MAKATI CITY – “OUR focus is an excellent relationships to all,” ito ang binigyang diin ni Canadian Ambassador to the Philippines, John T. Holmes nang maging resource person sa Coffee Club Forum na itinataguyod ng ALC Group of Media, kasama ang Business-Mirror, Philippines Graphic, CNN Philippines, Todong Lakas DWIZ 882 AM at ng pahayagang ito, PILIPINO Mirror.
Sa nasabing pulong balitaan na pinangunahan ni BM Publisher T. Anthony Cabangon, tiniyak ni Holmes ang magandang relasyon nila sa Filipinas kahit pa naging mantsa ang isyu sa basura na itinambak ng kanilang bansa sa Filipinas noong 2013.
Sinabi ng Canadian envoy na tiniyak ng kanilang pamahalaan na hindi na mauulit ang pangyayari sa Filipinas o sa iba pang bansa.
Paglilinaw pa ni Holmes na nagpapatuloy ang magandang relasyon ng dalawang bansa at katunayan nito ay kanilang pinasalamatan ang kanyang counterparts na sina Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin at Environment Secretary Roy Cimatu na naging bukas ang komunikasyon sa kanila upang maging maayos ang pagbabalik ng may 69 container na basura sa kanilang bansa.
“I don’t want to single out particular people, but Secretary Locsin did a fantastic job, his officials were very supportive. Secretary Cimatu and his senior officials, we all were working with one objective in mind, and that was to get the trash out of here as fast as we could,” ayon pa kay Holmes.
Noong Sabado ay dumating na sa Vancouver, Canada ang mga basura na unang naglayag noong Hunyo 1 mula Filipinas makaraang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang aatasan ang Bureau of Customs na huwag nang padaungin sa katubigan ng Filipinas ang anumang barko mula Canada.
Iginiit din ni Holmes na kaya natagalan ang pagpapabalik sa kanila ng basura dahil may mga niremedyohan pang technicalities at dahil sa magandang pakikipag-usap ay natapos nang maayos ang usapin.
Samantala, sinabi pa ng Canadian ambassador na welcome ang Filipino sa kanilang bansa dahil may mga hakbang silang isinagawa para mapabilis ang visa issuance.
Pinuri rin ni Holmes ang lumalakas na kalakalan ng Filipinas habang nabanggit din ang palitan ng mga produkto na magpapalakas sa ekonomiya ng dalawang bansa. EUNICE C.
Comments are closed.