(Ni CT SARIGUMBA)
KAPAG magtutungo tayo sa ibang lugar, hindi maiwasang magdala tayo ng kung ano-anong gamit o outfit. Dahil nga naman aalis tayo’t maglalakwatsa o mamamasyal, nais nating manigurado.
Nagdadala na tayo ng mga damit o gamit na sa tingin natin ay kakailanganin sa lugar na ating darayuhin.
Kunsabagay, mas mainam nga rin naman kung kompleto na ang mga dala natin nang hindi na tayo bumili pa at mapagastos.
Kaya ang ginagawa ng marami, hangga’t mapagkakasya sa dala nating maleta ang mga gamit na nais nating dalhin, pinagkakasya at sinisiksik nang hindi natin iniisip kung mag-e-excess baggage ba tayo.
Sa totoo lang, isa sa pinoproblema ng marami sa atin ay papaano pagkakasyahin ang ating mga gamit sa iisang bag o maleta.
Mahirap din kasi kung maraming maleta o bag ang dala-dala natin dahil maaaring may makaligtaan tayo o maiwanan. Masaklap pa kung may mawala.
At upang hindi mamroblema sa excess baggage fee, narito ang ilang simpleng tips na maaaring subukan ng kahit na sino lalo na kung bibiyahe at mag-eeroplano:
PAG-ISIPAN ANG LAHAT NG MGA DADALHING GAMIT BAGO MAG-PACK
Maraming paraan kung papaano mag-pack o mapagkasya ang lahat ng gamit natin sa iisang maleta o bag. Halimbawa na nga rito ang military fold.
Sa mga mahihilig mag-travel, tiyak na alam na alam na nila ang teknik na ito.
Bukod nga naman sa napo-fold itong mabuti, hindi pa magiging makalat ang bag o maleta dahik secure o maayos itong mailalagay. Higit sa lahat, marami kang mailalagay sa iyong bag.
Iyon nga lang, marami kang mailalagay. Ngunit ang malaking tanong diyan ay baka naman mag-excess baggage ka. Mapagagastos ka pa dahil kailangan mong magbayad ng extra.
At upang maiwasan ang ganitong problema o paggastos, mainam kung pag-iisipang mabuti ang mga gamit na iyong dadalhin. Bago mag-pack, isipin muna kung talaga bang kakailanganin ang mga gamit na nais dalhin.
Kung hindi naman kakailanganin, mainam na huwag na lamang itong dalhin.
Sa pagpa-pack, importanteng mapakikinabangan ang lahat ng dadalhin nang hindi mahirapan sa pagbiyahe.
MAGDALA NG MGA DAMIT NA MANINIPIS AT MAGAGAAN
Importante ring napagtutuunan natin ng pansin ang klase ng damit na ating dadalhin o gagamitin sa lugar na pupuntahan.
Mainam kung ang mga dadalhing damit o kasuotan ay maninipis lang at magagaan.
May mga damit namang kahit sabihing manipis at magaan ay komportable namang suotin at mainit sa katawan.
Bago ang pag-alis, mainam kung susuriin ang mga damit at ang klase ng mga ito nang malaman kung ano ang mga nararapat dalhin sa hindi.
MAGDALA NG MGA DAMIT NA PUWEDENG GAMITIN NG PAULIT-ULIT
May mga damit na maaari nating suotin ulit o gamitin. Halimbawa na nga riyan ang jacket at pantalon.
Kung magtatagal o ilang araw na mananatili sa isang lugar o sa pagbabakasyunan, maaaring magdala ka ng ilang piraso lang ng pantalon at iyon ang pagpalit-palitin.
Puwedeng gamitin ng dalawang beses ang pantalon o kaya tatlo.
Basta’t matapos lang gamitin ang pantalon ay pahanginan ito nang hindi magkaroon ng amoy.
Gayundin ang jacket, puwede rin itong gamitin ng ilang beses kaya’t hindi mo kailangang magdala ng maraming jacket o pantalon sa kung gaano ka katagal sa lugar na pupuntahan.
Usually kasi, kung ilang araw tayo sa pupuntahan nating lugar, ganoon din karami ang pantalon o jacket na ating dinadala. Kumbaga, isang araw, isang pantalon o jacket.
Pero hindi naman kailangan lalo’t puwede namang ulitin ang mga ito.
Kung tutuusin, marami tayong gustong dalhin kapag darayo tayo sa isang lugar. Pero kailangan nating limitahan ang mga gamit o damit na ating dadalhin nang hindi tayo mag-excess baggage at maiwasan ang paggastos.
Comments are closed.