DAHIL sa kakapusan ng panahon, malabo nang makalusot sa 17th Congress ang panukalang excise tax law dahil hanggang sa kasalukuyan ay nasa committee level pa rin ito.
Nabatid na matapos na lumusot sa committee level ang naturang panukala, kailangan pa maglabas ng committee report at sasailalim pa sa deliberasyon at debate na lubhang kakain ng maraming oras.
Sa panayam kay Senate President Vicente Sotto III, sinabi nito na marami pang mga kuwestiyon ang ilang mga senador sa usapin ng panukalang dagdag buwis sa sigarilyo gayundin sa mga opisyal ng Department of Finance na tiyak na gugugol ng mahabang oras para sa interpelasyon.
“Seriously, medyo may kahirapan. Ang daming question pa doon sa committee level, and then pag-akyat dito sa atin, may mga kasama kaming kinukuwestiyon ‘yung mga positions na being taken by the Department of Finance, not only on the issues of the sin taxes but also on the issues of the other bills that we have passed. So, medyo baka mahirapan,” diin ni Sotto.
Sinabi nitong depende rin sa committee report kung maihahabol pang pumasa ang nasabing panukalang tobacco tax dahil marami pang dapat pag-usapan hinggil dito.
Nauna nang nananawagan ang mga miyembro ng Kapisanan ng mga Sari-sari Stores sa Pilipinas, Inc (KASAPI) sa senado nang dumalo sa pagdinig ng Senate Ways and Means Committee na huwag munang ipatupad ang dagdag buwis sa mga sigarilyo dahil sa 30% ng kinikita sa kanilang tindahan ay mula sa mga bumibili ng sigarilyo.
Ayon kay KASAPI President Francis Manuel, ang pangunahing pinagkakakitaan ng kanilang tindahan ay mula sa sigarilyo at alak kaya nananatiling “operational” ang Sari-sari store.
Apela ng mga ito sa mga senador, “even if small, sari-sari store owners are proud of their livelihood. We do not rely on the government’s 4Ps for our subsistence.”
Kaugnay nito, sinabi rin ni Sotto na malabo rin na maipasa ngayong 17th Congress ang panukalang death penalty at Charter Change. VICKY CERVALES
Comments are closed.