TINALAKAY na sa House Committee on Ways and Means ang panukala na nagpapataw ng buwis sa single-use plastics.
Sa ilalim ng House Bill 178 na inihain nina Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing at Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, papatawan ng P10 excise tax ang bawat kilo ng single-use plastics simula sa Enero 1, 2020.
Ayon kay Suansing, layunin ng panukala na makalikom ng dagdag na kita sa pamahalaan na gagamitin naman sa mga proyekto at programa para sa solid waste management.
Pero iginiit ni House Minority Leader Benny Abante na sa halip na pagpapataw ng excise tax sa single-used plastic bag ay dapat na magkaroon ng total ban dito.
Inirekomenda naman ni Philippine Plastic Industry Association President Willy Go na pag-aralan munang mabuti ang panukala dahil sa economic impact nito.
Naniniwala si Go na kapag natuloy ang pagpapataw ng buwis sa single-used plastics ay ipapasa ang ginastos ng mga manufacturer sa mga consumer.
Aniya, hindi na kakailanganin ang pagbubuwis sa single-used plastics kapag naaprubahan ang mga panukala na magpatupad ng total ban sa plastics.
Giit nila, kahit anong pagbubuwis ang gawin ng pamahalaan ay kailangang palakasin ang information and education campaign sa publiko sa negatibong epekto ng plastics sa tao at sa kapaligiran. CONDE BATAC
Comments are closed.