EXCLUSIVE POLL PRECINCTS PARA SA PWDs, SENIORS

PWDs-3

LIBAN sa kailangang paunahin sila sa pila, kailangan din na maging maginhawa ang paraan ng pagboto ng mga senior citizen at mga may kapansanan.

Ito ang iginiit ni Senador Sonny Angara kaugnay sa napakahirap na sitwasyon ng PWDs at seniors sa tuwing araw ng botohan.

Dahil dito, nanawagan si Angara sa Commission on Elections na masusing ipatupad ang batas na naglalayong bigyan ng sariling polling precincts ang mga nakatatanda at ang mga may kapansa­nan upang hindi na mahirapan ang mga ito na makisabay sa iba pang mga botante tuwing eleksiyon.

Sa kabila ng umiiral na batas, ang Republic Act 10366 na pinagtibay noon pang 2013, at ang regular na pagpapaalala ng Comelec sa mga polling precinct na ma­ging paborable sa kalagayan ng mga nakatatanda at PWDs, nakatatanggap pa rin sila ng reklamo mula sa publiko ukol dito.

Isa umano sa mga madalas ireklamo ng “vulnearable voters” ang pag-akyat sa napakaraming baitang ng hagdan upang magtungo sa kani-kanilang presinto.

Umaasa si Angara na sa darating na eleksiyon sa Mayo, mahigpit nang ipatutupad ng Comelec ang nabanggit na batas.

Aniya, nakalulungkot na pipiliin na lamang ng ibang seniors at PWDs ang huwag bumoto dahil nahihirapan silang makisiksik sa iba pang botante o kaya nama’y umakyat pa sa hagdan patungo sa polling precincts.

“Nananawagan po tayo sa Comelec na sana ay paigtingin nila ang pagpapatupad ng batas para maiwasan natin ang sitwasyon kung saan tila kailangan pang dumaan sa butas ng karayom ang mga kababayan nating may kapansanan at nakatatanda makaboto lang. Tulungan natin silang maisakatuparan ang kanilang karapatang bumoto nang hindi nila kaila­ngang mahirapan,” saad ni Angara.

Sa ilalim ng RA 10366, inaatasan ang Comelec na maglaan ng ekslusibong polling precincts para sa senior citizens at PWDs na matatagpuan sa unang palapag lamang at malapit sa entrada ng gusaling pagdarausan ng halalan.

Layon ng nasabing batas na maipatupad ang karapatan ng bawat isa na makaboto at hindi maging balakid ang kapansanan o ang edad ng isang botante.

Nag-ugat ang panawagang ito ni Angara matapos lumutang ang mga reklamong madami umano sa mga seniors at PWDs ay hindi nakaboto noong eleksyon 2016 dahil sa kakulangan ng kaukulang lugar para sa kanila at hirap na dinanas para lamang makaboto.      VICKY CERVALES

Comments are closed.