EXECUTION BOND SA PINOY SEAFARERS TINANGGAL NA

TINAWAG ni Senadora Risa Hontiveros na isang malaking panalo para sa mga seafarer ang tuluyang pagtanggal sa kontrobersiyal na probisyon sa Magna Carta of Filipino Seafarers na naglalayong pagbayarin sila ng execution bond, lalo na para sa mga nalubog sa gastusin dahil sa pagpapagamot. 

“Salamat sa mga kasama ko sa bicameral conference committee at pinakinggan nila ang ating mga paliwanag laban sa hindi patas at unconstitutional na provision na ito,” wika ni Hontiveros.

“Masalimuot man ang ating pinagdaanan, sa wakas, ang ating pakikibaka ay nagbunga ng panalo para sa ating mga seafarers,” dagdag pa niya.

 Kung nanatili ang probisyong iyon, pagbabayarin dapat ang mga seafarer ng bond bago nila makuha ang monetary benefits dahil sa kanilang kapansanan.

“Walang katuwiran ang probisyong ito. Kaya nga hinihingi na agad ng isang seafarer ang mga benepisyong iyan dahil wala na siyang magastos pa. Lubog na nga sa medikal na gastusin, lulunurin pa ng bond? Hindi naman yata tama ‘yan,” paliwanag ni Hontiveros.

Ngayong uusad na ang batas, sinabi ni Hontiveros na mabibigyan ng mas malakas na proteksiyon ang mga seafarer mula sa abuso at paglabag sa kanilang karapatan at kapakanan.

“Ang batas na ito ay para sa bawat seafarer na tinawag na bagong bayani dahil sa kanilang kontribusyon sa ating bansa at siyempre, sa kanilang pamilya,” dagdag pa ni Hontiveros.

VICKY CERVALES