EXERCISE AT WORK: POSIBLE NGA BA?

EXERCISE AT WORK

MARAMI sa atin ang walang panahong mag-ehersisyo dahil na rin sa rami ng mga kailangang gawin at kabila’t kanang responsibilidad. Oo nga’t napakaimportante ng malusog at malakas na pangangatawan. Mahalaga ring mapanatili nating fit ang katawan upang magampanan ng maayos ang mga responsibilidad at obligasyon—sa trabaho man o sa pamilya. At upang makamit ang mga ito, isa sa napakahalaga ay ang regular na pag-eehersisyo.

Mahalaga ang pag-eehersisyo. Makatutulong ito upang mapanatiling masigla at gumagana nang maayos ang ating puso at baga. Sa pamamagitan din ng pag-eehersisyo ay napalalakas nito ang muscles.

Kumbaga, sa pagi­ging aktibo ay napananatili nitong malakas ang muscle at joints. Hindi lamang iyon, ginagawa rin nitong flexible ang tendons at ligaments para sa mas madali at maayos na paggalaw.

Isa pa sa dahilan kung bakit napakahalaga ng pag-eehersisyo ay napananatili nito ang tama o maayos na timbang. Napagaganda rin nito ang pag-function ng brain. Nagpalalakas din nito ang immune system. Nakapagpapaganda ng mood at pakiramdam.

Kapag aktibo nga naman ang katawan, nare-release nito ang endorphins na nakapagbibigay ng magandang pakiramdam at relax na isipan kaya’t bumababa ang stress level. Sa ngayon pa naman, hindi maiiwasan ang stress dahil na rin sa walang katapusang pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.

Pero gustuhin man nating regular na mag-ehersisyo, hindi naman natin magawa dahil na rin sa kabi-kabilang obligasyon at responsibilidad na kailangan nating tapusin. Para nga lang madagdagan ng kakarampot ang kita, ginagawang araw ng marami ang gabi. Isinasantabi ang pagpapahinga at mas pinipiling magtrabaho kahit patang-pata at antok na antok na ang pakiramdam. Sayang din kasi ang oras, ika nga ng ilan. Kaya’t magtrabaho na lang imbes na magpahinga.

May masama ring naidudulot ang kawalan ng pahinga. At ilan nga riyan ay ang pagkakaroon ng sakit, ang pagiging bugnutin at ang magulo o liwaliw na pag-iisip. Kaya napakahalaga ring nababalanse natin ang mga bagay-bagay. Kumbaga, may panahon tayo sa pagtatrabaho, pagsasaya at maging sa pagpapahinga. Kaila­ngan ito ng ating isipan at katawan.

Isa sa karamihang pinoproblema ng mara­mi ay ang kawalan ng oras sa pag-eehersisyo lalo na kung araw-araw na nag-oopisina at nakaharap sa kompyuter. At dahil laging nakaupo at nakatingin sa monitor, hindi maiiwasang manakit ang ating mata at maging braso, likod at balakang.

May mga paraan para makapag-ehersisyo o makapag-stretch kahit na abalang-abala o sa pagtatrabaho. At ang hakbang o paraang iyan ay ang mga sumusunod:

SIMPLENG PAGLALAKAD O ANG PAGGAMIT NG HAGDAN

EXERCISE AT WORKWala nang makahihigit pa sa simpleng paglalakad o ang paggamit ng hagdan imbes na elevator o escalator. Kung malapit lang naman ang pupuntahan, mas piliin ang maglakad.

Marami sa atin ang kinatatamaran ang pag-akyat o pagbaba sa hagdan. Sinasabi ng ilan na bakit pa nga ba niya pahihirapan ang sari­ling maglakad/bumaba o umakyat ng hagdan kung mayroon namang mada­ling paraan.

Oo nga’t kung magi­ging praktikal ka, iisipin mong gumamit ng elevator kaysa sa ang magpakahirap sa paghakbang. Sa paggamit din ng escalator o elevator, mas mapadadali kang makara­ting sa iyong pupuntahan.

Gayunpaman, hindi naman nakapapagod ang maglakad lalo na kung hindi kalayuan ang iyong pupuntahan. Isa pa, malaki ang naidudulot sa ating kalusugan ng paglalakad. Hindi natin maitatanggi ang mara­ming benepisyo nito kaya’t panahon nang sunggaban natin ang napakadaling paraang ito. Simple at murang-murang paraan pero malaki ang maibibigay na kagandahan o benepisyo sa ating kalusugan.

TUMAYO-TAYO SA PAGITAN NG PAGTATRABAHO

Kapag nakaupo na tayo at nakaharap sa kompyuter, wala na tayong ibang iniisip kundi ang matapos ang nakaatang na gawain. Lahat naman tayo, ina­asam na matapos ng maaga ang trabaho. Pero hindi rin naman makabubuti kung buong maghapon kang nakaupo at nakaharap sa iyong kom­p­yuter. Ilan sa mainam gawin ay: una, tumayo-tayo at mag-­inat-inat o maglakad-lakad sa loob ng opisina. Hindi lamang ito makatutulong upang ma-relax ang iyong katawan, mainam din ito upang maiwasang ma-strain ang mga mata dulot ng matagal na pagtitig sa monitor; ikalawa, iwasan ang pagkain sa iyong desk o table. Ano nga ba ang madalas nating ginagawa kapag marami tayong tinatrabaho, hindi ba’t ang magpabili o magpa-deliver ng pagkain kung wala tayong baon. Hindi nakatutulong ang ganitong nakagawian. Makabubuti kung lalabas ka o kakain ka kasama ang iyong mga katrabaho kapag lunch o break time. Magandang bonding din ito ng magkakatrabaho.

IGALAW-GALAW ANG MGA BALIKAT

Kahit na nakaupo, may mga paraan pa rin naman para makapag-ehersisyo. At isa nga riyan ay ang paggalaw-galaw ng balikat. Totoo namang nakasasakit ng balikat ang matagalang pagharap sa computer at pagta-type. Kaya naman, kapag naramdamang sumasakit na ang balikat, ikot-ikutin ito. Sa pa­raang ito ay maiibsan ang tensiyong nadarama.

DAHAN-DAHANG PAGTATAAS AT PAGBABABA NG BINTI

Isa ring paraan para makapag-ehersisyo o maigalaw-galaw ang katawan habang nakaupo ay ang dahan-dahang pagtataas at pagbababa ng binti. Hindi rin maiiwasang manakit ang binti kung matagal  na nakaupo. Kaya para maiwasan ito, dahan-dahang itaas ang binti nang ma-relieve ang tensiyon sa paa at binti.

Ang proseso nito ay ilayo ang upuan sa desk. Pagkatapos ay unti-un­ting itaas ang mga binti hanggang sa maging L shape ang katawan.  Kapag naging L shape na ang katawan, marahang igalaw paitaas at paibaba ang binti. Siguraduhin lang din na hindi lumalapat ang iyong paa sa sahig. Ulit-ulitin ang nasabing proseso ng lima o sampung beses.

EYE ROLL

Isa pa sa sumasakit ay ang ating mata. Kung matagal ka nga namang nakatitig sa monitor, talagang hindi ito maiiwasan.

At bukod sa pagpikit-pikit at pagtingin sa malayo, isa pang mainam gawin ay ang pag-roll ng mga mata. Gawin ang proseso sa loob ng dalawang minuto. Pagkatapos, i-rub naman ang mga kamay. Kapag naram­damang mainit na ito, saka idampi ang kamay sa mga mata. Makatutulong ito upang maibsan ang fatigue mula sa monitor.

ARM STRETCH

Dahil hindi rin naman maiiwasan ang pangangalay ng braso, gawin naman ang arm stretch. Ang pag-stretch nga naman ay mainam upang mapa-imrove ang blood flow habang nagtatrabaho. May mga pag-aaral na ang simple umanong pag-stretch ay nakatutulong upang mapanatili ang hugis ng katawan, naiiwasan din nito ang neck pain at cramped muscles. Ang pinakamaganda pa, nakapagpapa-improve ito ng productivity.

STAND UP AND SIT DOWNS

STAND UP AND SIT DOWNSIsa pa sa puwedeng gawin para makapag-stretch kahit na nasa opisina ay ang pagtayo at pag-upo nang hindi gumagamit ng kamay. Ulit-ulitin lang ang nasabing proseso.

Para naman ma-relax ang calf, itaas naman ang iyong heels sa floor at marahang ibaba. Ulit-ulitin lang din ang nasabing proseso ng sampung beses.

Lagi tayong may dahilan pagdating sa pag-eehersisyo. Madalas, sinasabi nating wala tayong panahon dahil lagi tayong nasa opisina. Pero sa mga simpleng paraan na ibinahagi namin sa inyo, tiyak na kung gugustuhin mong mag-ehersisyo at mag-stretch kahit na nasa trabaho o opisina ka, magagawa mo.

Kumbaga, kung gusto mo ay may paraan. At kung ayaw mo naman, tiyak na hindi ka mawawalan ng dahilan.