EXODUS NG NURSES, AGAPAN

PINAKIKILOS  ni Committee on Social Services Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas ang Department of Health (DOH) kaugnay sa nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng nurses at iba pang health care workers na umaalis ng bansa sa gitna ng pandemya.

Tinukoy ni Vargas sa House Resolution 2241 ang nakakabahalang pag-alis sa bansa ng maraming nurses at health workers bunsod na rin ng mahirap na working conditions sa Pilipinas.

Naunang ibinabala ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) ang shortage ng mga nurses sa susunod na buwan dahil sa pag-a-abroad ng mga ito para sa mas mataas na sahod.

Sinabi pa ng kongresista na sa kabila na ipinag-utos ng Pangulo na ibigay na ang sobrang delayed na allowances, hazard pay at iba pang benepisyo ay patuloy pa ring nahihirapan ang nurses at medical workers na ma-access ang kanilang benefits.

Apela ni Vargas sa DOH at sa iba pang kaukulang ahensiya na resolbahin ang mga concern at isyung inilatag ng mga health workers.

Mahalagang maaagapan aniya ang problemang ito dahil kung hindi ay mahihirapan na ang mga ospital at ang buong health care system na tugunan hindi lang ang mga COVID-19 cases kundi ang iba oang pasyenteng nangangailangan ng regular na medical care.

Tungkulin aniya ng pamahalaan na kilalanin ang kabayanihan at dedikasyon ng mga health care workers at tiyaking naibibigay ang nararapat na kompensasyon sa harap na rin ng kinakaharap na krisis pangkalusugan. Conde Batac

Comments are closed.