MALAKING tulong sa mga kababaihan ang nilagdaang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang R.A. 11210 o ang “Expanded Maternity Leave Law” noong Pebrero 20, 2019. Isa sa mga pangunahing sumulong nito ang dating Democratic Independent Workers Association (DIWA) Party-list representative Emmeline Aglipay-Villar.
Nakapaloob sa batas, ang dating 60-araw na maternity leave ay pinahaba at ginawang 105-araw na “bayad” na maternity leave. Mayroon din itong probisyon na maaaring humingi ng karagdagang 30-araw na leave kung hihilingin ng empleyado, ngunit ang karagdagang leave ay hindi “bayad”.
Layunin ng batas ang mabigyan ang mga empleyadong kababaihan na nagbubuntis o ang bagong panganak ng sapat na panahong maibalik ang kanilang kalusugan matapos manganak at maalagaan din ang kanilang anak.
Isa sa mga direktang benepisyo ng batas na ito ay mabigyan ng mas mahabang pagkakataong mag breastfeed si nanay sa kanyang anak. Malaking tulong ang batas na ito para maisulong ang kapakanan ng manggagawang kababaihan.
Kinikilala ng mambabatas ang pangangailangang bigyang panahon na alagaan ang bagong panganak at ganun din ang pangangailangan bumalik agad sa trabaho upang may pang tustos sa pang araw-araw na gastusin ng pamilya. Malaking tulong at ginhawa sa mga kababaihan ang makatanggap ng nararapat na sahod habang sila ay naka-“maternity leave”.
Ang batas na ito ay malaking hakbang para maitaguyod ang kapakanan ng mga manggagawang Filipino.
Comments are closed.