EXPATS MULA MIDDLE EAST NAKIKINABANG SA ‘BUILD BUILD BUILD’

SEC-MARK-VILLAR

MAKATI CITY – INANUNSYO ni Department of Public Works and Highways (DPWH)  Secretary Mark Villar na malaking bilang ng mga dating overseas Filipino worker (OFW) lalo na ang mga napauwi sa ilalim ng amnesty program, ang nakinabang sa ‘Build Build Build’ Program (B3P) ng pamahalaan.

Ang pahayag ay narinig kay Villar nang maging resource person ito sa BusinessMirror Coffee Club na itinataguyod ng Aliw Media Group na pinangunahan kahapon ni BM Publisher T. Anthony Cabangon.

Ginawa ni Villar ang pagtiyak makaraang maitanong sa kaniya kung hindi kakapusin ng manggagawa ang iba’t ibang proyekto  ng DPWH sa ilalim ng B3P kasunod na rin ng kanyang anunsiyo na full blast na ang implementation sa nasabing programa ng pamahalaan na naglalayong umangat ang ekonomiya dahil sa mga infra project na magreresulta ng  dagdag trabaho, income at  kita (profit).

“Hindi natin problema ang labor at mga tauhan, marami tayong dating OFWs at ang kanilang karanasan sa ibang bansa ay malaking maitutulong para mapabilis ang proyekto at makaaabot kami sa deadline,” ayon kay Villar.

Magugunitang noong isang taon ay ipinatupad ang amnestiya sa mga undocumented Filipino sa Saudi Arabia na sinundan ngayong taon ng United Arab Emirates habang marami ring Pinoy workers mula sa Kuwait ang umuwi nang ipatupad ang ban deployment doon kamakailan.

Noon lamang Agosto 12 ay inilunsad ang Jobs Jobs Jobs caravan na pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III at kabilang si Villar sa lumahok kasama sina Finance Sec. Carlos  Dominguez III, Transportation Sec. Arthur Tugage, Budget Sec. Ben Diokno, Trade and Industry Sec. Mon Lopez  at Bases Conversion and Development Autho­rity President CEO Vivencio ­Dizon.

Aabot sa 17,000 ang nag-apply sa nasabing job fair at 40 kompanya na contractor ng BBB program ang nag-alok ng trabaho kung saan karamihang hanap ay engineers at skilled worker na nasa linya ng construction.

Dagdag naman ni Villar na naging maganda ang synergy nila ng Department of Labor and Employment sa procurement ng personnel.

Comments are closed.