ISINUMITE na ng Department of Health kay Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga eksperto na magsasagawa ng independent study kaugnay sa Dengvaxia.
Sa ginanap na press briefing sa Cavite, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa ginanap na Cabinet meeting noong Lunes ng gabi ay nag-report si Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa panel of experts na magsagawa ng masusing pag-aaral sa epekto ng Dengvaxia sa mga taong nabigyan ng nabanggit na vaccine.
Ayon kay Roque, isinumite ni Duque ang listahan ng apat na individual experts.
“One came from Vietnam, one from Thailand, one from Singapore and one from Sri Lanka,” sabi ni Roque.
Subalit nilinaw ni Roque na tatlo lamang ang pipiliin ni Pangulong Duterte mula sa shortlist na isinumite ni Duque.
Tiniyak ni Roque na may sapat na pondo ang gobyerno para sa gastusin ng mga eksperto na iimbitahan upang pag-aralan ang epekto sa Dengvaxia recipients.
Magugunita na maraming mga magulang ang sinisisi ang Dengvaxia vaccine sa pagkamatay ng kanilang mga anak.
Inilunsad ng administrasyong Aquino ang malawakang anti-dengue vaccination program sa pamamagitan ng Dengvaxia na gawa ng French pharmaceutical firm na Sanofi Pasteur.
Noong Hunyo ay isang 10-anyos na batang babae ang nasawi na hinihinalang dahil sa Dengvaxia vaccine.
Si Trishanne Casona na namatay noong Hunyo 21 dahil sa pananakit ng ulo at dahil gustong alamin ng mga magulang nito ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan ay nagpasya silang ipahukay ang mga labi nito.
Sa pagsusuri ni Dr. Erwin Erfe, the forensic expert ng Public Attorneys Office ay natuklasan na dumanas ang biktima ng matinding pagdurugo ng utak.
Sa salaysay ng lola ng bata, abala itong gumagawa ng kanyang assignment nang biglang dumaing sa sobrang pananakit ng ulo, na kalaunan ay naging sanhi ng kanyang pagkabulag hanggang sa mawalan na ito ng boses at nauwi sa kamatayan.
“The bleeding was really very extensive. In fact, the hemorrhage wasn’t just in one part of the brain. Almost all parts of her brain bled. Now, we have to find out what caused her brain to bleed that way,” pahayag ni Erfe.
Si Trishanne ang naiulat na ikalimang bata na nasawi matapos na maturukan ng anti-dengue vaccine. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.