MAGIGING paglabag umano sa Konstitusyon kung ipipilit ang ideya ng pagpapalawig ng overseas voting para sa May 9 national at local elections.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Marlon Casquejo na malabong pahabain pa ang panahon ng pagboto ng mga Pilipino na nasa abroad dahil malinaw sa Saligang Batas na kailangan itong matapos hanggang sa araw ng halalan sa Pilipinas.
Nagsimula ang overseas absentee voting (OAV) Abril 10 para sa tinatayang 1,697,090 rehistradong Filipino voters na nasa iba’t-ibang mga bansa.
“The extension is not happening because we only have until May 9, Philippine time. We cannot extend beyond May. That would be a violation of the Constitution,” ayon kay Casquejo.
Ang itinutulak na pagpapalawig ng overseas voting period ay sa harap na rin ng naantalang pagsisimula ng botohan sa ilang polling areas pero ayon kay Casquejo, naresolba na ang nasabing usapin.
“The delayed arrival of ballots has already been resolved. Just a one-day delay,” diin ng opisyal.
Gayunman, aminado si Casquejo na kailangang mapagdesisyunan ng Comelec ang sitwasyon sa Shanghai, China na mayroong 1,991 na botanteng Pilipino ngunit hindi makapagsimula ng botohan dahil sa pinairal na lockdown bunsod ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 duon.
“The only issue is really Shanghai. Let’s see what the decision en banc will be. For now, it is still suspended until such time that the lockdown is lifted,” dagdag ni Casquejo. Jeff Gallos