IPATUTUPAD ang extended working hours sa mga empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA), Bureau of Immigration (BI) at Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals upang maiwasang magbuhol-buhol ang pila ng mga pasaherong papasok at palabas sa mga paliparan.
Ayon kina MIAA General Manager Ed Monreal at BI Commissioner Jaime Morente, ang extended working hours ng kanilang mga empleyado ay bilang antisipasyon sa pagdagsa ng libo-libong mga pasahero na na-stranded dulot ng bagyong Ompong.
Agad na ipinag-utos ni OIC Deputy Commissioner and Port Operations Division Chief Marc Red Mariñas sa kanyang head of offices sa NAIA Terminals na i-monitor ang kanilang mga personnel na nakatalaga sa mga paliparan.
Kasabay na ipinag-utos nina Monreal at Morente sa kanilang mga empleyado na magdala ng extra uniform at toiletries bilang pagsunod sa ipatutupad na karagdagang oras ng trabaho sa NAIA upang mabigyan ng magandang serbisyo ang mga na-stranded na pasahero.
Ang BI airport personnel ang kailangan sa airport operations dahil sa kanila dumadaan ang mga papasok at palabas na mga pasahero sa mga paliparan, kaya ayon kay Monrel, ang kanilang gagawin ay isang sakripisyo para matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasahero.
“Nagtatrabaho tayo, rain or shine,” pagtatapos ni Monreal. FROI MORALLOS
Comments are closed.