EXTENSION NG BISA NG BAYANIHAN 2 LUSOT NA SA HOUSE PANEL

BAYANIHAN 2

MABILIS na pinagtibay ng House Committee on Appropriations ang substitute bill na layong palawigin ang validity o bisa ng appropriations provision ng Bayanihan 2.

Inaamyendahan ng unnumbered substitute bill ang ilang probisyon ng RA 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act, partikular sa natitira o available pang pondo sa ilalim nito.

Napagkasunduan ng komite na palawigin hanggang June 30, 2021 ang bisa ng Bayanihan 2 mula sa orihinal na effectivity nito na hanggang December 19, 2020 lamang.

Nais ng Kamara na matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang pagpapaabot ng kinakailangang tulong para sa mga sektor na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Nilinaw naman ni Appropriations Vice Chairman Ruwel Peter Gonzaga na tanging ang unused funds lamang ang palalawigin ng panukalang batas at hindi kasama ang emergency powers ng Pangulong Duterte.

Sa susunod na linggo ay inaasahang maisasalang na ito sa plenaryo at pagtitibayin bago ang Christmas break ng Kongreso.

Inirerekomenda naman ng Department of Budget and Management (DBM) kay Pangulong Duterte na sertipikahang urgent ang nasabing panukala.       CONDE BATAC

Comments are closed.