INAPRUBAHAN na sa Kamara ang panukala para sa pagpapalawig ng bisa ng 2020 budget.
Ito ay matapos na matanggap ng Kamara ang sertipikasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapamadali sa pag-apruba sa extension ng validity ng 2020 budget at ang panukala na nagpapalawig naman sa effectivity ng Bayanihan 2 hanggang sa susunod na taon.
Sa botong 221 na sang-ayon at anim na pagtutol ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6656 kung saan ine-extend hanggang December 31, 2021 ang bisa ng 2020 national budget.
Layunin ng panukalang ito na suportahan ang economic stimulus effort, gayundin ang infrastructure projects ng pamahalaan.
Nakasaad sa panukala na gagamitin ang natitirang budget ng 2020 hanggang sa 2021 nang sa gayon ay maipagpatuloy ng mga ahensiya ng gobyerno ang paghahatid ng mga nabimbing serbisyo para sa pagpapalakas at pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Sakop ng extension ng validity ng 2020 General Appropriations Act ang budgetary support para sa government-owned and -controlled corporations (GOCC), pondo para sa infrastructure projects, maintenance and other operating expenses, (MOOEs) at capital outlays. CONDE BATAC
Comments are closed.