EXTENSIVE MASS TESTING AT CONTACT TRACING SA PQUE

Edwin Olivarez

IPINAG-UTOS ni Pa­rañaque City Mayor Edwin Olivarez sa City Health Office (CHO) ang mabilis na pagkilos sa pagsasagawa ng extensive mass testing at contact tracing sa lungsod makaraang muli na namang tumaas ang bilang ng kaso ng coronavirus disease (CO­VID-19) sa nakalipas na dalawang linggo.

Inatasan ni Olivarez si CHO officer Dr. Olga Virtusio na bumuo ng isang special task force para tumulong sa pagsasagawa ng nararapat na aksiyon na pangmatagalan laban sa COVID-19.

Sa datos ng CHO noong Sabado, ang lungsod ay nakapagtala na ng 827 kumpirmadong kaso ng COVID-19 na may 547 na naka-recover at 50 naman ang namamatay na sa natu­rang virus. Sa bilang na ito, 230 indibiduwal o may 27. 8 porsiyento ang may aktibong kaso ng virus.

Ang Barangay San Dionisio ang nananati­ling may pinakamataas na bilang ng COVID-19 na may 132 kumpirmadong kaso, samantalang ang Barangay Baclaran ang pumangalawa na may kumpirmadong kaso na 90 habang 44 dito ay mga aktibong kaso.

Kamakailan lamang, isinailalim sa 3-araw na calibrated lockdown ang dalawang nabanggit na barangay dahil na rin sa mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa mga nasasakupang lugar ng mga ito.

Hinikayat naman ni Olivarez ang mga tauhan ng CHO kabilang ang iba pang frontliners na ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa COVID-19 para bumaba ang bilang ng mga apektado nito kasabay na rin ng pagpapalawak ng kapasidad ng healthcare system at ka­ragdagang testing ca-pa­city na siyang prayoridad  ngayon.

“Ang pangunahing layunin sa pagsugpo sa COVID-19 ay ang mabawasan ang bilang ng mga namamatay dahil sa virus gayundin ang mga namatay sa sakit na hindi konektado sa CO­VID-19,” ani Olivarez.

Gayunpaman, bukod sa binuong task force, muling bumuo rin si Virtusio ng isang grupo ng health personnel na ang tanging trabaho lamang ng mga ito ay magsagawa ng malawakang testing at contact tracing pati na rin ang quarantine ng suspek, probable o kumpirmadong kaso ng COVID-19 ng isang indibiduwal, kapitbahay o komunidad.

Kasabay nito, pinaalalahanan naman ni Olivarez ang mga residente na sa ilalim ng new normal, ang lahat ay inoobliga na magsuot ng face-mask, panatilihin ang social distancing at ang regular na pagdi-disinfect ng kanilang mga lugar. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.