MARIING itinanggi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Sidney Hernia ang paratang na extortion sa kanila hanay na responsable sa pagsalakay sa umanoy scam hub sa Century Peak Tower, Manila.
Ayon kay Hernia, lubhang “absurd and unfounded,” ang akusasyon laban sa kanya at 14 na iba pang opisyal ng pulisya.
Kasunod nito, handa rin nilang harapin ang anumang imbestigasyon para patunayang ang regularity at legalidad ng inilunsad na operation.
“I will not tolerate any wrongdoing within our ranks, and I firmly urge the accusers to substantiate their claims in the proper forum. The NCRPO fully welcomes any investigation into this matter, as it will provide a great opportunity to prove the regularity and legality of our actions,” ani Hernia.
Ayon sa PNP, lehitimo ang ginawang pagsalakay sa hinihinalang Malate scam hub sa likod ng puna ng PAOCC.
Sa nasabing insidente, apat na Chinese ang inaresto ng mga tauhan ng ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa naganap na raid laban sa online scammers.
Ang mga naarestong Chinese ay lumapit sa National Police Commission para maghain ng reklamo na hindi umano sila binasahan ng raiding team ng kanilang mga karapatan.
Gayundin, isa umano sa mga naaresto ang hiningan ng aabot sa P1 milyon bawat isa kapalit ang abogado na may malakas na kapit sa NCRPO para sa agaran nilang paglaya.
Sinasabing target ng raid ang “mother of all scam hubs,” na isinagawa ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa pamamagitan ng cyber warrants.
May mga alegasyon na minaniobra umano ng PNP-NCRPO ang nasabing pagsalakay kung saan nasa 69 foreigners at mahigit 40 Pilipino ang nadakip subalit nakalaya rin dahil sa legalidad.
“On the part of the PNP, I spoke earlier with the Regional Director of the National Capital Region Police Office and the director of the Anti-Cybercrime Group; they are standing by their police operations,” ayon sa tagapagsalita ng PNP.
Kaugnay sa nasabing pagsalakay, sinibak sa puwesto ang tatlong tauhan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) matapos umanong galawin ang CCTV camera sa ni-raid na scam hub.
Sa natanggap na report ng PNP-ACG, habang isinasagawa ang operasyon, may mga pulis na nakitang naglalakad sa hallway na walang suot na pang-itaas at nakapatay ang CCTV camera.
Agad na ipinag-utos ni ACG Director MGen. Ronnie Francis Cariaga ang pagsibak sa mga pulis na sangkot at ang pagsasagawa ng administrative investigation.
Batay sa paunang imbestigasyon, noong Oktubre 31, sadyang pinatay ang elevator at air conditioning ng gusali dahilan upang maglakad ang mga pulis sa hallway ng gusali na walang suot na pang-itaas dahil sa init paakyat sa 20th floor.
Dahil sa kanilang hindi kaaya-ayang itsura kapag nakita sa CCTV, tinakpan umano nila ang mga camera sa hallway, subalit nanatiling bukas ang mga camera sa mga workstations kung saan naroon ang mga kagamitan.
Sa ngayon, isasailalim ang tatlong pulis sa administrative proceedings habang nasa Personnel Holding and Accounting Section ng ACG.
VERLIN RUIZ