INIHAYAG ng Department of Justice (DOJ) na malapit nang matapos ang proseso ng extradition ni dating Congressman Arnolfo Teves Jr. sa bansang Timor Leste.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, nasa huling yugto na ang proseso hinggil sa pagpapabalik sa Pilipinas ni Teves upang harapin ang mga patong patong na kaso nito.
Magugunita na mayroon 30-araw ang kampo ni Teves upang iapela ang naging desisyun ng Timor Leste na nagkakaloob sa extradition request ng Pilipinas.
“We are very confident and we are on top of the situation,” ani Andres.
Si Teves ay nahaharap sa 10 bilang ng kasong murder, 12 bilang ng frustrated murder at apat na bilang ng attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay sa naganap na pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa.
Samantala, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na naghahanda na ang prosekusyon para sa pagbabalik sa bansa ni Teves.
Hinikayat ng DOJ si Teves na harapin na lamang ang mga kaso at magtiwala sa justice system ng bansa.
EVELYN GARCIA