EXTRAMARITAL AFFAIRS ANGGULO SA PAGPASLANG SA BOC OFFICIAL

BuCor Director General Ronald Dela Rosa

MUNTINLUPA CITY – EXTRAMARITAL affairs, trabaho at mga kasong kinakaharap ang tinitingnang anggulo ng Muntinlupa City Police sa pamamaril at pagpatay sa isang opisyal ng Bureau of Correction (BOC) sa loob mismo ng compound ng New Bilibid Prison (NBP) Reservation.

Sa isang panayam kay BuCor Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, na sila ay nakikipag-ugnayan sa Muntinlupa City Police sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpas­lang kay Insp. Rommel Reyes, 41, nakatalaga sa Bureau of Reservation Security Service (BRSS).

Aniya, nang madis­kubre ang umano’y pagso-solicit ng biktima sa mga preso ay agad na  tinanggal ito at inilipat sa BRSS upang hindi na maulit ang kanyang ginagawang panghihingi ng pera.

Bukod pa dito, ­aniya, ay tinitingnan din ang isyu ng love triangle kung saan mayroon umano itong mga karelasyon o extramarital affairs.

Pahayag pa ni Dela Rosa na bumuo na rin siya ng team investigators para tumulong sa isinagawang imbestigas­yon ng Muntinlupa City Police para sa ikalulutas ng pagpatay sa kanyang tauhan.

Magugunitang pinag­babaril ang nasabing biktima sa NBP Road malapit sa Sunken Garden ng NBP Re­servation sa Barangay Poblacion ng nasabing lungsod.  MARIVIC  FERNANDEZ

Comments are closed.