EXTRAORDINERI SALON (sa Tagaytay City)

MAY bagong negosyo si Neri Miranda – isang first class salon sa Tagaytay City.

Noon lamang April 2, 2022, bago nagsimula ang Mahal na Araw, ipinakilala ni Neri ang kanyang bagong baby na tinawag niyang ExtraordiNeri Salon. Matatagpuan ito sa Ayala Malls Serin sa Tagaytay City, at sa unang araw pa lamang ay dinayo na ito ng mga customer.

Proud na proud ang 36-year old mom sa bago niyang negosyo dahil marami raw siyang nabigyan ng trabaho dahil dito. Suportado naman ito ng asawa niyang si Chito Miranda – na siya namang namamahala sa kanilang restaurant sa Tagaytay City din.

Hindi raw talaga nila planong itayo ang ExtraOrdiNeri Salon dahil hand full na sila sa kanilang restaurant at paupahang yate, pero may nabakanteng salon sa Serin at inialok ito sa kanila. Mag-a-abroad kasi ang may-ari nito.

“Kinuwento sa akin ng staff na binebenta na talaga ang salon at sana ako raw ang makabili para may trabaho pa rin sila,” dagdag pa niya.

“Syempre bilang wais na misis, nag-haggle ako kase wala talaga sa plano ang salon at tight ang budget. Pero nagkasundo kami sa presyo. Ayun, ins­tant salon si Neri,” sabi pa niya.

Naisip daw ni Neri na magandang investment nga ang salon dahil buy-one-take-all ito, kasama na ang staff. Hindi na siya mahihirapan sa pagsisi­mula, bukod pa sa may dati na silang mga kli­yenteng seserbisyuhan. Isa pa, naisip din niyang mag-invest para sa anim na taong anak nila na si Miggy na mayroon na ring sarili niyang condominium. Sa ganoong paraan, kahit anim na taon pa lamang ito ay kumikita na ng sarili niyang pera.

Ilang kaibigan daw niya ang nag-suggest ng pangalang “ExtraOrdiNeri.” Nagandahan naman siya kaya ginamit niya.

“Kaya eto na, aba may salon na rin si Neri, may staff na kami pero need pa namin dagdagan para mabilis ang kilos at madaling matapos ang mga clients,” sabi pa.

Magdadagdag pa raw si Neri ng staff para masigurong maaasikasong mabuti ang kanilang mga customers – para bumalik.

Liban sa ExtraOrdiNeri Salon, may iba pang negosyos ang kanilang pamilya kasama na ang Not So Secret Garden café, Tea Talk milk tea shop, at Jaytee’s Filipino Cuisine restaurant. Meron din silang  Airbnb rentals, events place, at yateng ipinarerenta sa Batangas. NV