EYE OF THE TIGER, BAGONG TAON 2022

year of the tiger

PARATING na ang tigre sa mga susunod na buwan at nakakatuwang ito na ang panahon para lumaban. Ang tigre kasi, malambing yan na parang pusa, huwag mo lang gagalitin.

Pero bago ang pagsalubong sa Tigre, salubungin muna natin ang Bagong Taon na may paghahanda.

Unahin natin ang 13 prutas na bilog – pwede ring hindi bilog tulad ng saging. Labintatlo, dahil representation daw ito ng bawat buwan at ang ikalabintatlo at pasobra para kahit sa huling buwan ng taon ay siksik, liglig at umaapaw pa rin ang biyaya at swerte.

Idagdag dito ang mga malalagkit at matatamis na pagkain tulad ng biko, kalamay at sapin-sapin. Huwag kalilimutan ang leche flan, halayang ube, at ang walang kamatayang palitaw na magsisilbi raw na pampaswerte sa buong taon kung lilitaw ito sa tubig sa eksaktong pagpatak ng ika-12 ng hatinggabi.

Kailangan din daw mag-ingay upang  maitaboy ang mga masasamang karanasang nalasap natin noong nagdaan taon, at magpaputok ng rebentador upang hindi makapasok ang mga bad luck na kaakibat ng parating na taon.

Anuman ang mga paniniwala natin sa pagpapalit ng taon, naniniwala pa rin ang inyong lingkod na ang swerte at panandalian lamang. Ang tunay na biyaya ay pinagtatrabahuhang mabuti upang makamit. In the first place, mas masarap lasapin ang bunga ng pagpupunyagi kesa yung nakuha lamang dahil sinuwerte ka.