F2F SA MGA BILANGGO APRUB NA SA BJMP

MAAARI nang mayakap ng kanilang pamilya ang mga dadalawing kaanak na preso sa mga piitan matapos na pinahintulutan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagkakaroon ng contact visitations sa jail inmates, dalawang taon matapos suspindihin bunsod na rin ng pandemya ng COVID-19.

Paglilinaw naman ng BJMP, tanging ang immediate family members lamang ang papayagang makapag-face-to-face visits sa kanilang mga nakabilanggong kaanak.

Anang BJMP, ang mga fully-vaccinated individuals ay hindi na rin nila ire- required pa na sumailalim sa COVID-19 test.

Ang bisita naman na hindi bakunado, ay ire-require na magprisinta ng RT-PCR test na may negatibong resulta sa loob ng 72-oras bago ang pagbisita o di kaya ay negatibong antigen test para sa 24-oras na pagbisita.

Dapat din umanong naka-schedule ang pagbisita upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.

Paliwanag ni BJMP Spokesperson Supt. Xavier Solda, mahalaga ang karapatan ng persons deprived of liberty (PDL) para sa visitation.

Hindi pa rin naman umano pinapayagan ang conjugal visit, ngunit pinag-aaralan nila ito sa ngayon.

Dagdag pa ng BJMP official, tuloy pa rin naman ang electronic visitations o e-dalaw na planong palawakin pa at iprayoridad sa PDLs na may edad na at vulnerable sa COVID-19. EVELYN GARCIA