MULING ipinaalala ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Manila Police District (MPD) na mandatory o mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask sa buong Chinatown District sa Binondo, Maynila.
Ito ang inihayag ni MPD Director Brig.General Andre Dizon sa isinagawang mobile at ocular inspection ang MPD sa paligid ng Chinatown District bilang paghahanda pa rin sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Kasama ni Dizon na nag-iikot sa lugar ang mga duty personnel ng Police station na nakakasakop sa lugar, PCP at Outpost.
Aniya, mandatory ngayon na ipinapatupad sa mga magtutungo sa Chinatown District ay ang pagsusuot ng face mask upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng publiko dahil sa inaasahang pagdagsa ng bisita at turista tuwing sumasapit ang nasabing pagdiriwang.
Dagdag pa nito, walang gun ban at liquor ban na ipinatutupad ngayong Chinese New Year.
“Wala namang gun ban at liquor ban, so puwede po sila makipagsaya dito (Binondo),” pahayag ng heneral.
Pagdating naman sa mga pagsasagawa ng fireworks, ang Manila Chinatown Development Council na ang siyang magkokontrol.
Ayon kay Dizon inaasahan na libo libong tao ang dadagsa sa Binondo dahil sa inihandang food festival, fireworks display , dragon boat competition ,solidarity parade at cultural show na inihanda hindi lamang ng mga Filipino-Chinese kundi pati ang mga Chinese businessmen at businesswomen.
Ang dragon boat parade ay gaganapin sa Pasig River sakop ng Quezon Bridge, Jones Bridge at Intramuros-Binondo bridge.
Nauna nang sinabi ni Dizon na nasa 3,200 MPD personnel ang kanilang ipapakalat sa Binondo area para sa magbantay sa seguridad ng publiko. PAUL ROLDAN