IPINALILIBRE sa buwis ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang facemasks, sanitizers at iba pang kahalintulad na produkto kasunod ng pagdedeklara ng state of public health emergency dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hiniling ni Hipolito-Castelo na i-exempt sa pagbabayad ng import duties at local taxes ang nabanggit na medical supplies para makatulong sa publiko.
Paliwanag niya, kung ililibre sa buwis ang face masks, sanitizers, alcohol, sabon at iba pang basic hygiene products ay matitiyak ang sapat na suplay ng mga ito, matatag na presyo at maiiwasan din ang hoarding sa panahon ng krisis.
Bukod sa magiging abot-kaya ang mga hygiene product at face mask ay mapipigilan din, aniya, ang pananamantala ng ilang negosyante dahil sa pagbaha ng mga produkto sa merkado.
Bagama’t batid ni Hipolito-Castelo na bahagyang makababawas sa kita ng gobyerno ang pag-exempt sa buwis ng health at hygiene products, ang kapalit naman, aniya, nito ay kaligtasan ng publiko.
Samantala, inihain din ng kongresista ang House Resolution 749 na naglalayong ilibre ng airlines at travel agencies ang mga pasahero sa cancellations at rebooking fee ng mga biyahe at huwag nang patawan ang mga ito ng multa.
Ang pagiging maluwag, aniya, ng airlines at tour operators ay maituturing na dagdag kontribusyon para sa national ef-fort ng bansa sa paglaban sa COVID-19. CONDE BATAC
Comments are closed.