FACE SHIELD HINDI NA KAILANGAN SA MAYNILA

INALIS na sa lungsod ng Maynila ang face shield requirement para magtutungo o gagala sa siyudad maliban lamang sa hospitals at health centers.

Ito ay matapos na lagdaan ng pamahalaang lokal ang Executive Order No. 42 na nagsasaad na hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shields sa lungsod maliban na lamang sa hospital setting, medical cli­nics, at iba pang medical facilities.

“Yung inyong mga kahilingan, mga sulat, at messages na pag-aralan mabuti yung paggamit ng face shield, dininig na po ng inyong lingkod,”ayon kay Mayor Isko Moreno.

Ang naturang kautusan ay epektibo sa lalong madaling panahon kaya’t inatasan ng alklade sina Bureau of Permits and Licenses Office Levi Facundo, Manila Barangay Bureau director Romy Bagay, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at mga hospital directors na ipakalat ang nasabing impormasyon at mahigpit na implementasyon ng nasabing ordinansa.

Gayunpaman, ni­linaw nito na kailangan pa rin ng mga mamamayan na magsuot ng face mask na proteksiyon laban sa COVID-19

“Ang kailangan na lang nating gawin ay mag-face mask para kahit paano maibsan ang inyong gastusin araw-araw dahil sa face shield na yan,” anito.

Sa ilalim ng naturang EO, nakasaad na sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na maraming miyembro ng Inter-Agency Tasked Force ang pumabor sa pagtatanggal ng face shield.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ng pagbababa ng alert level status sa Metro Manila noong Nob­yembre 4.

Nabatid din na pabor ang marami sa Metro manila Mayors na tuluyan ng alisin ang face shield requirement maliban lamang sa mga lugar na mataas ang banta ng coronavirus.
Sa kabila nito,mas pagtutuunan pa rin ng pansin ng pamahalaang lungsod ang pagbili ng Tocilizumab at Remdesivir.

“Rest assured na kapag bumuti nang bumuti ang sitwasyon sa tulong ng taong bayan ay luluwag ng luluwag. Bibilisan lang natin ang ating kilos, tingin ko mapupunta na tayo sa new normal,” dagdag ng alkalde. VERLIN RUIZ