PABOR si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na huwag nang gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield lalo na sa mga lugar na mababa na ang kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Go na ang mahalaga ngayon ay mataas na ang bilang ng mga bakunado at bumilis na rin ang vaccination rollout.
Kaugnay nito, hinikayat ni Go ang sambayanan na magpabakuna na para makamit ang proteksiyon na inaasam ng pamahalaan.
Gayundin, nilinaw ni Go na nakadepende pa rin ito sa mga health expert para walang sisihan sakaling tumaas ang kaso dahil sa pagluluwag.
Ayon kay Go, ang Pilipinas na lang ang natitirang gumagamit ng face shield kasabay ng panawagan niyang huwag kakalimutan ng taumbayan ang responsibilidad na pag-ingatan ang sarili, ang pamilya at ang komunidad.
Samantala, naniniwala naman si Go na mas alam ng mga alkalde ang sitwasyon sa kanilang mga nasasakupan kaya naman iginagalang niya ang suhestiyon ng mga ito pagdating sa pagpapatupad ng health restrictions. VICKY CERVALES