FACE SHIELD OPSIYONAL NA

INIHAYAG ng pamahalaang lokal ng Pateros na ang paggamit ng face shield sa munisipalidad ay nananatiling opsyonal na lamang sa mga outdoors ngunit kinakailangan pa ring magsuot nito sa indoor spaces.

Inanunsyo na ito sa mga residente bago pa man ideklara ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyon sa paggamit ng mga face shield.

Pinagtibay din pamahalaang lokal ang kautusan matapos lagdaan ang isang executive order tungkol sa paggamit ng face shield sa loob at opsyonal naman sa labas ng mga establisimiyento sa Pateros.

Nabatid na ang lahat ng Metro Manila mayors ay pumirma sa isang resolusyon na pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos na nagrerekomenda sa IATF na tanggalin na ang paggamit ng face shields maliban na lamang sa loob ng mga ospital, health centers a mga pampublikong sasakyan.

Gayunpaman, hindi pa man naglalabas ng desisyon ang IATF ay nauna ng naglabas ng isang executive order ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa hindi na pagpapatupad sa pagsusuot ng face shield.

Sinabi naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang mga mayor at local government units (LGUs) ay may karapatan na mag-isyu ng executive order o ordinansa sa ilalim ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991. MARIVIC FERNANDEZ