FACE SHIELD SA STUDES, TEACHERS (Hindi inoobliga ng DepEd sa face to face classes)

HINDI inobliga ng Department of Education na pagsuotin ng face shield ang mga kabataan o estudyante at mga guro sa pilot implementation ng face-to-face classes sa loob ng eskuwelahan.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, ang tanging importante lang sa mga lalahok ay ang pagsusuot ng face mask bago hanggang matapos ang naturang implementasyon.

Matatandaang 100 pampubliko at 20 pribadong paaralan ang kalahok sa face-to-face class, kung saan nasa 12 hanggang 15 mag-aaral lamang ang ookupa sa loob ng bawat silid-aralan at mula sa 3 hanggang 5 oras na klase.

Samantala, ipinagpaliban ng dalawang pampublikong paaralan sa lalawigan ng Zambales ang pagsisimula ng implementasyon ng pilot run ng face-to-face classes nitong Nobyembre 15.

Ayon kay DepEd assistant secretary for field operations Malcolm Garma, ang pamunuan ng Banawen Elementary School (BES) sa San Felipe at San Marcelino National High School (SMNHS) ay humiling na kanselahin ang pagpapatupad ng nasabing klase at ituloy na lamang sa susunod na linggo dahil nagpositibo ang ilang mga guro sa antigen test para sa COVID-19.

Samantala, sinabi ni Garma na tuloy pa rin ang face-to-face classes ng walo pang paaralan na tinukoy ng Department of Health o DOH sa naturang lalawigan.