HINDI dapat gamitin ng mga mamamayan ang face shields bilang substitutes sa face masks, laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang paalala ng isang eksperto mula sa University of the Philippines Manila – National Institutes of Health (UPM-NIH) sa publiko ngayong patuloy pa rin ang banta ng pagkalat ng virus.
Ayon kay Dr. Edsel Salvaña, direktor ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng UPM-NIH, marami siyang nakikita ngayon na may suot na face shield lang ngunit walang face masks.
Gayunman, paglilinaw niya, kung gagamit ng face shields ay dapat pa ring magsuot ng masks.
“Marami rin akong nakikita kasi ngayon, naka-face shield lang sila, walang mask. Hindi po maganda ‘yon, puwede po kayong mag-face shield pero sabayan niyo po ng mask,” ani Salvaña, sa panayam sa radyo.
“Hindi po replacement ang face shield sa mask. Puwede pong gamitin ang face shield on top of the mask,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Salvaña na ang face shields ay nakatutulong na mabawasan ang transmission ng COVID-19 ng hanggang 80% ngunit hindi pa rin ito kasing epektibo ng masks.
Aniya pa, ang payo ng mga eksperto sa mga empleyado na may direct contact sa mga tao, gayundin sa mga pasahero na gumagamit ng public transportation, ay magsuot pareho ng face shields at face masks.
Kaugnay nito, sinabi ni Salvaña na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng face mask na may valve, partikular na sa mga lugar na may mataas na banta ng COVID-19, dahil may posibilidad na ang lumalabas na hininga ng taong may suot nito ay hindi naman nasasala. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.