PINAG-AARALAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbabawal sa pagdaraos ng door-to-door campaign o face-to-face campaign para sa nalalapit na May 2022 presidential elections dahil sa nananatili pa ring banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, dahil sa pandemya ay tiyak na magkakaroon ng pagbabago sa ‘campaigning landscape’ para sa eleksiyon.
“Activities, like giving out materials or going out or talking to people face-to-face for campaign purposes — that’s gonna change. Door-to-door campaigns might be prohibited,” pahayag pa ni Jimenez, sa isang panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Jimenez na hindi pa opisyal kung idedeklara nga ang naturang pagbabawal sa ngayon, ngunit makikipag-ugnayan aniya ang Comelec sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) hinggil dito.
“But certainly there will be changes in the way people do things. In a perfect world, yes, that sort of face-to-face campaigning would be strictly regulated, maybe even prohibited,” aniya pa.
Ipinaliwanag ni Jimenez na isa sa mga inaalala nila sa pagkakaroon ng face-to-face encounter sa pagitan ng mga nangangampanya at ng publiko ay ang posibilidad na magkahawahan ng virus.
Sakali naman aniyang matuloy na ang naturang prohibisyon ay isusulong ng Comelec ang online campaigning upang matiyak ang kaligtasan ng mga botante at maiwasan ang pagkalat ng virus.
Hinggil naman sa isyu kung papayagan ang mga kandidato na magkaroon ng mas mahabang pangangampanya sa radyo at telebisyon, sinabi ni Jimenez na nangangailangan pa ito ng pag-amiyenda sa batas.
Aniya pa, sa ngayon ay wala pa namang aktuwal na panukala hinggil dito ngunit nagkakaroon na rin naman aniya ng mga pag-uusap.
“I can’t say much about it yet but that is certainly a conversation that people are pushing. People feel that with the pandemic in full force, we are going to need more campaign minutes online but again that will require legislation,” aniya pa.
Sa kasalukuyan ay abala pa rin ang Comelec sa isinasagawang voter registration at target nilang makapagtala ng may apat na milyong bagong botante.
Ang voter registration ay nakatakda nang magtapos sa Setyembre 30, 2021. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.