UMAPELA si House Assistant Minority Leader France Castro sa Department of Education na tiyakin na ligtas ang mga mag-aaral, mga guro at iba pang school personnel sa pagbubukas ng mga paaralan.
Ito ay sa harap na rin ng pagpayag ng ahensiya sa face-to-face classes ngayong school year 2022-2023 at sa patuloy pa rin na banta ng Covid-19.
Aniya, kailangang masiguro ng DepEd na may sapat na mga pasilidad para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro tulad ng maayos na ventilation sa mga classroom at pagkakaroon ng washing and sanitation facilities.
Dagdag pa aniya rito ay dapat tiyaking nabakunahan na ang mga mag-aaral at magbigay rin ng lingguhang libreng COVID-19 test sa mga guro at iba pang school personnel na makikiisa sa face to face classes.
Ipinasasama rin sa plano para sa ligtas na face-to-face classes ang pagkuha ng mga school nurse at pagbuo ng medical fund para sa pagpapagamot ng mga magkakasakit ng Covid-19. Conde Batac