ILANG linggo na lamang at pormal nang babalik sa mga eskwelahan ang ating mga mag-aaral matapos ang mahigit dalawang taon na online learning dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19. Ngunit ilan pa ring mga grupo ang hanggang ngayon ay tutol dito dahil hindi pa umano tayo handa para sa face-to-face classes.
Sa isang pahayag kamakailan, nagbigay ng babala sa pamahalaan ang transport advocacy network The Passenger Forum (TPF) na ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral ay magbibigay ng karagdagang demand sa public transportation system ng ating bansa na ngayon ay dumaranas ng kakulangan dahil ilang mga pampublikong drayber ang nagdesisyong tumigil na lamang sa pamamasada bunsod ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa TPF, dapat munang resolbahin ng gobyerno ang krisis sa transportasyon dahil maaari itong magdulot ng physical fatigue at mental exhaustion sa mga mag-aaral. Ayon din sa Move as One Coalition, pabagsak na ang pampublikong transportasyon sa Pilipinas.
Isa ring grupo ng mga guro—ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC)—ang nagmungkahi kay Bise Presidente Sara Duterte, na siya ring kasalukuyang kalihim ng Department of Education (DepEd), na i-extend pa ang kasalukuyang school break upang bigyan pa ng mas mahabang panahon ang mga guro na makapaghanda para sa face-to-face classes sa Agosto 22. Tinutulan naman ito ng bise presidente.
Naging convenient man ang online learning para sa ating mga mag-aaral sa loob ng dalawang taon, ngunit alam nating lahat na maliit lamang ang naging tulong nito sa kanilang pagkatuto dahil sa maraming dahilan katulad na lamang ng pagbabago ng sitwasyon sa ating buhay dulot ng Covid-19, trauma at stress dahil sa ating pagkakakulong sa ating mga tahanan nang ilang taon, mga kailangan sa pag-aaral na hindi accessible sa lahat, at kakulangan ng social engagement sa ibang tao.
Kung atin ding matatandaan, kaliwa’t kanang mga post sa social media ang kumakalat noong kasagsagan ng lockdown na nagpapakitang ang mga magulang na ang sumasagot sa mga takdang-aralin ng kanilang mga anak para lamang makakuha ng mataas na grado, kahit na wala itong karunungang naidulot sa mag-aaral. Ito marahil ang pinaka-dahilan kung bakit kinakailangan na nating umpisahan ang face-to-face classes sa bansa.
Napakarami na ring mga bansa ang ngayo’y bumalik na sa face-to-face classes dahil kailangan na muling mahasa ang karunungan ng mga mag-aaral. Sa pagbabalik sa eskwelahan, mas matututukan ng mga guro ang mga mag-aaral, at mas mahihikayat silang sumali sa mga aktibidad sa paaralan dahil sa pagbabalik ng mga social engagement.
Sa ngayon, ang kailangan na lamang nating siguraduhin ay ang kanilang kaligtasan at kalusugan kaya’t paigtingin pa natin ang ating programa sa pagbabakuna at hikayatin ang mga estudyante makibahagi rito.
Ang ating mga mag-aaral ay ang pag-asa ng ating bayan, ngunit higit na kailangan natin ang paghasa ng kanilang isip at talion dahil ang maunlad na ekonomiya ay magmumula sa marunong at malusog na manggagawa.