FACE-TO-FACE VISIT SA PDLs, IKAKASA NG BJMP

MAGPAPATUPAD ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng face-to-face non-contact visitation para sa persons deprived of liberty (PDLs), sa mga susunod na araw.

Paglilinaw naman ni BJMP Spokesperson Chief Insp. Xavier Solda, bagamat personal na makikita ng PDLs ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagdalaw ng mga ito sa bilangguan, ay mahigpit pa ring ipinagbabawal ang close contact sa mga ito, gaya ng mga yakapan, upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19.

“Kasalukuyan naghahanda na ang BJMP para po sa granular opening ng non-contact visitation sa mga district, city at municipal jails sa bansa pero klaruhin ko lang, physical presence po ng mga pamilya sa mga facilities natin ang sinisiguro po namin pero wala na ho yung kagaya dati na nagkakaroon pa ng yakapan. Ngayon po talagang magkikita lang sila at mag uusap kasi non-contact visitation po ang iimplement ng BJMP,” ayon kay Solda sa isang panayam.

Aniya, bago ang pagbisita ay magkakaroon muna ng orientation ang mga kaanak na dadalaw sa bilangguan upang malaman ng mga ito ang mga ipinatutupad na pantuntunan sa mga bilangguan.

Dedepende rin ito kung ang isang lugar ay high risk area sa COVID-19 dahil ang papayagan lamang aniya ng BJMP ay ang non-contact visitation sa mga lugar na nasa Alert Level 1 at 2.

Dapat din aniya ang mga jail facility ay mayroong sapat na bentilasyon at may mga signage o reminders hinggil sa pagsusuot ng face mask.

Magkakaroon din sila ng triage area para sa health screening ng mga bisita, na dapat na magdala ng valid government ID at vaccination card.

Isang miyembro ng pamilya rin lamang aniya ang papayagan at isang oras lamang tatagal ang oras ng pagbisita nito.

Sinabi rin ni Solda na kahit wala pang non-contact visitation, ay tuloy pa rin ang kanilang electronic visitation o e-visitation.

“Depende sa scheduling doon sa mga jail facilities natin pero ang dalaw naman natin magsimula yan Tuesday hanggang Linggo mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. at kahit naman wala pa naman non-contact visitations sa mga facilities natin tuloy pa rin po yung ating electronic visitation o e-dalaw para sa kapakanan ng ating mga PDL,” dagdag pa ng opisyal.

Una nang napaulat na may 119,476 o 95.13% ng kabuuang 125,589 PDLs ang nabakunahan na laban sa COVID-19. EVELYN GARCIA