FACEMASK AT SANITATION DAPAT SUNDIN SA EVAC CENTER

PINAYUHAN ni Dr. Tony Leachon, dating tagapayo ng National Task Force Against COVID-19 ang mga nasa evacuation center na magsuot ng face mask at madalas na sanitation upang makaiwas sa coronavirus disease.

Aniya, dahil hindi maiwasan na magkadikit-dikit at walang pagkakataong makapili ng lugar, kinailangang sundin pa rin ang minimum health protocols.

Sa ngayon aniya, tanging pagsusuot lamang ng facemask at paglilinis ngkamay ang maaaring pananggalang laban sa COVID-19.

Hindi aniya maipapayo na ihiwalay ang bakunado sa hindi bakunado gayundin ang nasa high risks dahil wala namang malaking espasyo sa mga evacuation center na idinisenyo para sa pansamantalang silungan bunsod ng kalamidad dulot ng Bagyong Odette.

Kaugnay nito, upang maiwasan ang hawahan ng virus sa mga evacuation center ay nagpapadala na rin ng mga face mask at sanitizer si Interior Secretary Eduardo Ano, bukod sa mga pagkain, tubig at iba pang gamit, ayon kay Leachon.

Nagpadala na rin ng generator set si Ano sa Bohol makaraang marinig ang panawagan ni Gov. Arthur Yap na umaapela ng tulong.