MATAPOS ang engkuwentro sa San Ildefonso Bulacan na ikinasawi ni San Miguel Police chief Lt.Col. Marlon Serna, inilabas na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kopya ng facial composite ng suspek na bumaril sa opisyal ng PNP.
Ayon kay CIDG chief Maj. Dan August Masangkay, medium built o katamtaman ang katawan at may taas na 5’3”- 5’4”, kayumanggi ang gunman ni Serna.
Sa hiwalay na imbestigasyon ng CIDG bago ang pamamaril sa opisyal nagkaroon umano ng hot pursuit ang grupo ni Serna laban sa riding in tandem na lulan ng Mio Motorcycle na sangkot sa Robbery sa Brgy. San Juan, ganap na alas-10 nitong Sabado ng gabi na nakarating sa madilim na bahagi ng Brgy, Bohol na Mangga sa bayan ng San Ildefonso.
Nabatid na buo ang loob ng suspek dahil umubos ito ng 12 bala ng cal.40 base na rin sa na narekober na basyo ng bala ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Napag-alaman din na hindi rin umano nakaganti ng putok ang mga kasamang pulis ni Serna sa oras ng bakbakan nang masapol ng bala ang opisyal na kung saan nadamay umano ang striker nito na si Jay-jay.
Kaugnay nito, isang Special Investigation Task Group SERNA (SITG SERNA) ang binuo ng PNP kahapon sa Camp General Alejo S Santos sa Malolos, Bulacan.
Pinangungunahan ni Bulacan PNP Provincial Director Col. Relly Arnedo ang SITG SERNA kasama ang Provincial Intelligence Units, (PIU) Forensic Group, SOCO, Highway Patrol Group at CIDG.
Layon ng SITG SERNA na mapabilis ang imbestigasyon sa pamamaril sa isang opisyal ng PNP at agad mapanagot ang mga salarin sa pamamaril. THONY ARCENAL