FACTORY WORKER TODAS SA 2 BESES NA SAGASA

LAGUNA- DEAD on the spot ang isang factory worker makaraang masagasaan ng dalawang beses sa Maharlika highway sa San Pablo City nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Reynaldo Concon, 28-anyos na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo mula sa dalawang ulit na pagkakasagasa.

Batay sa ulat ng San Pablo City police, tumatawid ang biktima sa highway dakong alas-4 ng madaling araw nang mabundol ng kulay asul na Ford Everest sa bahagi ng Barangay San Francisco, Calihan ng lungsod.

Sa kuha ng CCTV footage sa lugar, tinigilan umano ng nakabundol na sasakyan at saglit na bumaba ang naka-jacket na drayber subalit kaagad din itong sumakay at pinatakbo ang SUV sa direksiyon ng Tiaong, Quezon.

Habang nakahandusay ang biktima sa gitna ng kalsada, nasagasaan naman ito ng isang kotse na minamaneho ni Joseph Magracia.

Ayon kay Magracia, hindi niya napansin ang nakabulagtang biktima dahil nasisilaw siya sa ilaw ng mga kasalubong na sasakyan.

Kusang sumuko sa pulisya si Magracia samantalang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng unang nakasagasang drayber.

Sinampahan na rin si Magracia ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ng pulisya. ARMAN CAMBE