AKO rin, Suki.
Syak din ako sa sinabi ni Pangulong Duterte na “tarong na tawo” si Nicanor Faeldon.
Na ang ibig sabihin, Suki, ay matino o mabuting tao ang sinibak niyang bossing ng Bureau of Corrections.
Kaya pilit kong kinakapa ang lalim ng sinabi ng Pangulo:
Kung mabuti o matinong tao, eh, bakit kung ilang ulit niyang sinibak at inilipat ng puwesto?
At bakit laging nasasangkot si Kawal Nick sa mga kontrobersiya?
Sa mga anomalya?
Aha! Alam ko na.
Posibleng ito ang ibig sabihin ni Boss Digong sa kanyang mga sinabi na umani ng batikos sa maraming kritiko:
“Faeldon maybe a good man with bad decisions and wrong choices.”
Sarili ko lang ‘yan na hugot.
oOo
May kakaibang istayl si Boss Digong, Suki.
Sisipain niya ang kanyang ‘trabahante.’
Tsaka niya pupurihin ang pagkatao nito.
Tulad ng ginawa niya kay Kawal Nick na ikinadismaya ng maraming Cebuano.
“Ga-libog kami sa giingon ni Digong. Tarong nga tawo sa Faeldon… unya iyang gitangtang.”
(Confused daw sila sa sinabi ni Digong, kasi kung talagang mabuti o matinong tao si Faeldon, eh, bakit niya ito sini-bak?)
Naalaala ko, Suki, si dating Agriculture Secretary Manny Piñol.
Nagkaisyu itong bigotilyong magmamanok kay Boss Digong at sa kasamahan niya sa Gabinete.
Kaya binitiwan siya ng Presidente.
Pero ibinaba ni Boss Digong ang poder nito sa isang regional agency.
Para hindi obyus na nasibak.
Pagkatapos ay pinuri-puri ng Pangulo na “magaling na tao ‘yang si Manny kaya kailangan ko siya sa pag-develop sa Muslim area sa Mindanao.
Kitam!
Kahit ‘yong dating hepe ng DSWD at ang yumaong sekretaryo ng DENR na si Gina Lopez.
Mabubuti at matitinong opisyales sila para kay Boss Digong.
Pero bilang Presidente ng republika at bossing ng mga mambabatas ay hinayaan niyang ibasura ng CA ang appointment ng mga ito. Tama ako, Suki?
Comments are closed.