UMAPELA ng patas na imbestigasyon ang Xinchuang Network Technology sa Philippine National Police.
Ito ay makaraang magkasa ng umano’y rescue operation ang PNP-Anti Cybercrime Group at NCRPO nitong Lunes ng gabi June 26, 2023 sa Hong Tai compound, 501 Alabang Zapote Road, Almanza Uno Las Piñas City kung saan nasa mahigit 2,000 indibidwal na kinabibilangan ng mga Pinoy at banyaga ang kanilang dinakip dahil sa umano’y illegal POGO operation.
Ayon kay Ananias Christian Vargas ng Vargas Law office mahigit 72 oras ng hawak ng awtoridad ang mga biktima at bigo naman ang mga ito na magsampa ng anumang kaso na malinaw na paglabag sa kanilang karapatan at maituturing na arbitrary detention.
Sinabi pa ni Atty. Vargas pinapirmahan ang mga foreign nationals ng mga dokumento na walang assistance mula sa kanilang abogado.
Nakatanggap din sila ng ulat na walong foreign nationals ang nasaktan ng mga awtoridad at tatlo ay mga Chinese.
Sa ngayon lumiham na ang Xinchuang Network sa PNP para pagtuunan nila ng patas na imbestigasyon ang insidente at kanila itong ibinigay kay PBGen. Sidney Hernia director ng PNP ACG, BGen. Jose Melencio Nartatez, PMGen. Edgar Alan Okubo ng NCRPO at kay PMAj Gen. Jon Arnaldo ng PNP Intelligence Group.
Samanala, tiniyak ng PNP ang patas na imbestigasyon sa mga POGO worker na kanilang sinagip sa operasyon ng PNP Anti cybercrime group at NCRPO.
Ayon kay PNP PIO Chief Police BGen Red Maranan, papalayain din nila ang mga nasagip matapos ang profiling.
Paliwanag niya, nasa 2, 000 indibidwal kasi ang nasagip kaya humaba ang profiling.
Itinanggi rin ni Maranan na nalabag ang karapatang pantao ng kanilang mga nasagip.
Wala umanong nasaktan at lahat ng mga ito ay binigyan ng pagkain.