MAGBABALIK sina big men June Mar Fajardo at Japeth Aguilar sa Gilas Pilipinas na sasabak sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa Mayo.
Sina Fajardo ng San Miguel at Aguilar ng Barangay Ginebra ay dalawa sa PBA players na isinama ni national coach Chot Reyes sa koponan, kasama sina Troy Rosario at Poy Erram ng TNT, young Terrafirma center Isaac Go, at San Miguel’s Mo Tautuaa, na magsisilbing naturalized player ng Gilas para sa May 12-23 meet.
Magbabalik din sa men’s team matapos ang kaparehong naunang pagsabak sa SEA Games sina Matthew Wright ng Phoenix at Kevin Alas ng NLEX.
Sina Fajardo, Aguilar, at Wright ay bahagi ng Gilas team na nagwagi ng gold sa 2019 staging ng torneo sa Pilipinas, habang si Alas ay naglaro para sa gold medal winning Philippine team sa 2013 edition sa Myanmar.
Ang iba pang bumubuo sa lineup ay sina TNT’s Kib Montalbo, Robert Bolick ng NorthPort at cadets Thirdy Ravena, Dwight Ramos, Lebron Lopez, Caelum Harris, at Will Navarro.
Ang lineup ay isusumite ni coach Chot Reyes sa Philippine Olympic Committee (POC), at ipo-forward sa Vietnam SEA Games Organizing Committee.
“This is the lineup that will give us the best chance of winning the gold in the SEA Games,” sabi ni Reyes, at binigyang-diin na nagkaroon siya ng konsultasyon sa kanyang deputy coaches hinggil sa bubuo sa roster. “We plan to bring all 16 to Vietnam if it is possible.”
Nagpasalamat din si Reyes sa buong PBA family sa muling pagpapahiram sa mga player nito sa Gilas pool.
“We are very, very happy, we are very fortunate, we are very thankful to commissioner Willie and the PBA Board for making available the following players,” ani Reyes, na katabi si commissioner Willie Marcial nang ianunsiyo ang SEA Games roster matapos ang laro ng TNT kontra NorthPort noong Biyernes sa Araneta Coliseum.