KABILANG sina JuneMar Fajardo, Allein Maliksi, at ang hindi malilimutang San Miguel-NorthPort showdown sa mga pararangalan sa 2022 PBA Press Corps Awards Night sa Novotel Manila Araneta Center sa susunod na linggo.
Si Fajardo ay tatanggap ng William ‘Bogs’ Adornado Comeback Player of the Year, si Maliksi ang Mr. Quality Minutes, habang ang Beermen-Batang Pier duel sa Philippine Cup quarterfinals ang napiling Game of the Season.
Nakatakda ang Awards Night sa June 21. Magsisimula ang programa sa alas-7 ng gabi.
Ang 6-foot-10 na si Fajardo ay matagumpay na nakabalik mula sa one-year absence makaraang magtamo ng fracture sa kanyang kanang tibia at pinangunahan ang Beermen na makabalik sa semifinals ng all-Filipino Cup, kung saan natalo sila sa eventual champion TNT Tropang Giga sa isang best-of-seven series.
Tinapos ng nag-iisang six-time MVP winner ng liga ang season na may averages na 13.8 points, 11.0 rebounds, at 1.8 assists at tumapos na fifth overall sa statistical points, sapat para maging bahagi siya ng Mythical First Team.
Tatanggapin ni Fajardo ang special award na ipinangalan kay Adornado, ang great shooting forward na nalusutan ang two career-threatening injuries at tatlong beses na nagwagi ng MVP award sa 13-year Hall of Fame career kung saan naglaro siya para sa Crispa, U-Text, Great Taste, Shell, at Alaska.
Samantala, napili naman si Maliksi bilang Mr. Quality Minutes o katumbas ng Sixth Man Award.
Ang Meralco shooting guard ay nagmula sa bench sa 24 sa 42 games habang may average na12.3 points, 3.3 rebounds, at 1.0 assist. Bumuslo siya ng 41 percent mula sa three-point range.
Hindi malilimutan ang quarterfinal match sa pagitan ng San Miguel at ng NorthPorth na napiling Game of the Season, kung saan tinampukan ito ng endgame shootout nina Alex Cabagnot at Robert Bolick sa loob ng Bacolor bubble sa Pampanga.
– CLYDE MARIANO