UMAKYAT si June Mar Fajardo sa ibabaw ng Best Player of the Conference (BPC) race sa pagtatapos ng PBA Philippine Cup semifinals.
Lumundag si Fajardo sa no. 1 makaraang igiya ang San Miguel sa finals kasunod ng four-game sweep sa Rain or Shine sa semis.
Ang 6-foot-10 center ay nakalikom ng kabuuang 43.12 statistical points sa likod ng 17.3 points, 14.5 rebounds, at 3.1 assists upang maunahan si dating leader Robert Bolick ng NLEX.
Nahulog si Bolick sa no. 2 na may 43.08sps kung saan patuloy siyang nangunguna sa liga sa scoring na may 28.3 points, 5.2 rebounds, at 6.5 assists. Sa kasawiang-palad, ang Road Warriors ay nabigong umabante sa semis makaraang walisin ng Meralco Bolts sa quarterfinals.
Sasamahan nina Fajardo at Bolick sina rookie Stephen Holt ng Terrafirma, San Miguel’s CJ Perez, at Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra bilang official candidates para sa BPC award.
Si Holt, na nangunguna rin sa Rookie of the Year race, ay kasalukuyang nasa no. 3 na may 40.8sps na may all-around numbers na 21.08 points, 8.1 rebounds, 6.3 assists, at 2.4 steals sa paggiya sa Dyip sa kanilang kauna-unahang playoffs appearance sa loob ng walong taon.
Nasa likod ni Holt si Perez na may 39.18sps kasunod si Standhardinger sa fifth place na may 39.16.
CLYDE MARIANO