NAMUMURONG makopo na naman ni June Mar Fajardo ang PBA Best Player of the Conference award.
Ang San Miguel big man ay bumabandera sa karera para sa pinakamataas na individual honor ng season-opener Governors’ Cup sa pagtatapos ng elimination round.
Si Fajardo, galing sa kaparehong BPC honor sa nakalipas na Philippine Cup, ay nangunguna sa statistical point standings papasok sa playoffs na may kabuuang 43.9sps. Kasalukuyan siyang nangunguna sa liga sa rebounding na may 15.0 boards, habang may average na 21.3 points at 2.8 assists.
Mahigpit na katunggali ni Fajardo sina Robert Bolick ng NLEX, Arvin Tolentino ng NorthPort, San Miguel teammate CJ Perez, at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.
Pumapangalawa si Bolick sa eighth-time MVP na may 38.7 sps kung saan nangunguna siya sa assists na may 8.6, habang may average na 20.4 points at 6.9 rebounds.
No. 1 naman si Tolentino sa scoring na may 23.7 points upang tulungan siyang pumangatlo na may 37.5sps, habang nagposte rin ng 8.3 rebounds, 4.3 assists, at 1.2 steals kada laro. Gayunman ay nabigo ang Batang Pier na umabante sa quarterfinals.
Si Perez, winner ng parehong award sa Commissioner’s Cup noong nakaraang season, ay nasa no. 4 na may 37.0 sps sa averages na 20.5 points, 5.5 rebounds, 5.3 assists, at 1.2 steals, habang si Aguilar ay nakalikom ng 33.4sps (19.5 points, 6.3 rebounds, 1.2 assists) upang kumpletuhin ang Top 5.