JUNE MAR FAJARDO: PBA PH Cup Best Player of the Conference. PBA PHOTO
MULING itinanghal si June Mar Fajardo bilang PBA Best Player of the Conference.
Nakopo ng seven-time Most Valuable Player ang kanyang ika-10 BPC plum nitong Miyerkoles makaraang maging top player ng liga sa idinadaos na PBA Philippine Cup.
Nanguna si Fajardo sa stats, media votes, at player votes upang makalikom ng kabuuang 1100 points at tinalo sina teammate CJ Perez, Stephen Holt ng Terrafirma, Robert Bolick ng NLEX, at Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra.
Si Fajardo ay may average na 17.35 points, 14.59 rebounds, 3.12 assists, at 1.24 blocks per game hanggang sa pagtatapos ng semifinals.
Naunang nakuha ng San Miguel big man ang BPC honors sa All-Filipino conferences ng 2013-14, 2014-15, 2015-16, 2016-17, 2017-18, 2019, at 2022 seasons, at sa 2015 Governors’ Cup at 2018 Commissioner’s Cup.
Samantala, nagsuot ang PBA Philippine Cup finalists San Miguel at Meralco ng Philippine Olympian-themed shirts na may pangalan ng mga atleta na nag-qualify sa Paris Games sa likod bago ang Game 4 sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay bilang pagpapakita ng suporta ng PBA sa Olympic team ng bansa habang naghahanda ito para sa Paris Games na gaganapin sa French capital mula July 26 hanggang August 11.
“Suportado ng PBA ang bawat atletang Pilipino at umaasa tayo na kasama natin ang mga fans sa pagsuporta sa mga atleta nating lalaban sa Paris 2024,” wika ni PBA commissioner Willie Marcial.
Isa pang mahalagang bahagi ng Independence Day celebration ng liga ang pagbibigay-pugay sa matatapang na men at women mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Winelcome ng liga ang 200 uniformed personnel mula sa AFP at PNP bilang special guests sa Big Dome.
“Gusto po nating bigyan ng pagkilala at pagpupugay ang ating mga pulis at sundalo! Sila ang nagsisilbing tanggulan ng ating kalayaanl, at nag-aalay ng kanilang buhay para sa kapayapaan at kaligtasan ng bawat Pilipino,” ani Marcial.
Labinlimang atleta, sa pangunguna nina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo, ang nag- qualify para sa Paris 2024.
CLYDE MARIANO