FAJARDO, PEREZ NANGUNGUNA SA BPC RACE

june mar fajardo

BUMABANDERA sina six-time Most Valuable Player June Mar Fajardo at 2019 Rookie of the Year awardee CJ Perez, kapwa ng San Miguel Beermen, sa 2022 PBA Philippine Cup Best Player of the Conference race.

Nasa unang puwesto si Fajardo na may 42.7 statistical points, kasunod si Perez na may 39.7 matapos ang quarterfinals ng torneo.

Ang 32-year-old na si Fajardo, isang eight-time Best Player of the Conference winner, ay may average na 17.9 points, 13.3 rebounds, 3.7 assists at 1.5 blocks kung saan pinataob ng top-seeded Beermen ang Blackwater Bossing sa isang laro upang umabante sa semifinals.

Nagtala naman si Perez ng average na 17.5 points, 7.4 rebounds, 6 assists, at 2.4 steals. Hindi pa siya nananalo ng Best Player of the Conference award.

Nasa top 5 ng BPC race ang Barangay Ginebra trio nina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, at Christian Standhardinger.

Si Thompson, ang reigning Most Valuable Player, ay may 37.8 statistical points, habang si Aguilar ay may 33.1 at si Standhardinger ay may 32.8.

Ang kabiguan ng Ginebra na umabante sa semis makaraang sibakin ng Bolts sa do-or-die thriller noong Linggo ay makaaapekto sa tsansa ng key players ng sikat na koponan para sa top honor.