FAJARDO, QUIAMBAO, MORADO-DE GUZMAN PARARANGALAN SA PSA AWARDS NIGHT

TATLONG indibidwal na nagningning sa kani-kanilang larangan sa katatapos na taon ang bibigyang pagkilala sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Manila Hotel, dalawang linggo mula ngayon.

Sina PBA star June Mar Fajardo, collegiate prodigy Kevin Quiambao, at volleyball celebrity Jia Morado-De Guzman ay tatanggap ng special award mula sa sports writing fraternity ng bansa sa Jan. 27 gala night nito

Sina 6-foot-10 Fajardo at 23-year-old Quiambao ay pararangalan bilang 2024 Mr. Basketball (pro at amateur), habang ang 5-foot-7 na si Morado-De Guzman, isa sa top setters ng bansa, ay gagawaran ng titulong Ms. Volleyball.

Ang tatlo ay bahagi ng distinguished honor roll na pararangalan ng pinakamatagal na media organization sa bansa sa traditional awards gathering na co-presented ng ArenaPlus, Cignal, af MediaQuest.

Pinangungunahan ni gymnast idol Carlos Yulo ang mga awardee kung saan tatanggapin niya ang 2024 Athlete of the Year honor para sa kanyang remarkable feat na pagwawagi ng kauna-unahang Olympic double gold medals ng bansa sa Paris Games.

Ang okasyon ay suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, Senator Bong Go, at Januarius Holdings, kasama ang PBA, PVL, 1-Pacman Party List, AcroCity, Rain or Shine, at Akari.

Si Fajardo ay ilang beses nang tumanggap ng Mr. Basketball honor, habang sina Quiambao at Morado-De Guzman ay tatanggapin ang award sa unang pagkakataon.

Ang 35-year-old na si Fajardo ay nagtala ng bagong record noong nakaraang taon nang makopo niya ang PBA Most Valuable Player award sa ika-8 pagkakataon habang pinangunahan ang San Miguel sa back-to-back Finals stint, kabilang ang pagwawagi ng Commissioner’s Cup crown.

Naging bahagi rin siya ng Gilas Pilipinas team na umabot sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.

Ang 6-foot-7 na si Quiambao ay nanatili namang pinakamalaking pangalan sa college basketball nang igiya ang De La Salle sa back-to-back UAAP finals appearances at magwagi ng MVP honors sa dalawang magkasunod na seasons. Tulad ni Fajardo, si KQ ay bahagi ng Gilas pool na sumabak kapwa sa FIBA Olympic at Asia Cup qualifiers.

At si Morado-De Guzman? Ang dating Ateneo stalwart ay nagsilbing skipper at matatag na anchor ng bronze medal finishes ng Alas Pilipinas sa SEA Women’s V. League series, kung saan itinanghal siyang Best Setter, gayundin sa Asian Women’s Volleyball Challenge Cup.

Ang past winners ng special awards ay kinabibilangan nina Scottie Thompson, Arwind Santos, Terrence Romeo, Calvin Abueva, Thirdy Ravena, Mark Caguioa, kasama sina volleybelles Alyssa Valdez, Mika Reyes, Dawn Macandili, Alyja Daphne Santiago, Sisi Rondina, at Tots Carlos.