FAJARDO, RHJ NANGUNGUNA SA BPC, BEST IMPORT RACES

NAPANATILI ni June Mar Fajardo ang pangunguna sa Best Player of the Conference race sa kabila ng pagkakasibak ng San Miguel Beer sa PBA Governors’ Cup semifinals.

Ang eighth-time MVP ay nasa ibabaw ng individual standings na may 44.8 statistical points, na natipon mula sa impresibong numero na 21.0 points, league-best 16.3 rebounds, 3.1 assists, at 1.0 blocks sa 21 games ns nilaro sa playoffs.

Nagwagi na ng 10 BPC awards, ang 34-year-old na si Fajardo ay pinangungunahan ang official candidates para sa pinakamataas na parangal sa conference sa kabila ng pagkabigo ng Beermen na umabante sa finals matapos matalo sa Barangay Ginebra Kings sa kanilang semifinals series, 4-2.

Nakabuntot sa 6-foot-10 center para sa award sina Arvin Tolentino (Northport), Robert Bolick (NLEX), San Miguel teammate CJ Perez, at ang Barangay Ginebra duo nina Japeth Aguilar at Scottie Thompson.

Si Tolentino ay hindi natinag sa no. 2 na may 37.5sps sa kabila na hindi nakapasok ang Northport sa playoffs.

Nangunguna siya sa liga sa scoring na may 23.7 points, 8.3 rebounds, at 4.3 assists.

Nasa ikatlong puwesto si Bolick na may 35.9sps at angat sa torneo sa assist na may 8.2 average, bukod sa kanyang karaniwang numero na 19.1 points at 6.2 rebounds.

Si Perez ay nasa no. 4 na may 33.9sps (17.5 pts, 5.7 rebounds, 5.4 assists, and 1.4 steals), sumunod sina Aguilar (18.0 points, 6.1 rebounds, 1.4 assists), at Thompson (13.7 points, 6.3 rebounds, 5.7 assists, at 1.2 stelas), na tabla sa ika-5 puwesto na may 32.2sps.

Samantala, naungusan ni Rondae Hollis-Jefferson ng TNT si Justine Brownlee ng Barangay Ginebra sa pinakaaabangang karera para sa Best Import of the Conference.

Si Hollis-Jefferson, na nakopo ang parehong award noong nakaraang taon nang hubaran ng korona ng Tropang Giga ang Kings sa anim na laro, ng 57.4sps sa likod ng mga numerong 28.0 points, 12.9 rebounds, 6.4 assists, habang nanguna kapwa sa steals at block shot departments na may 2.9 at 1.9, ayon sa pagkakasunod.

Pumapangalawa si Brownlee, isang three-time winner ng Best Import honor, na may 50.9sps, habang may average na 28.3 points, 9.2 rebounds, 5.8 assists, 1.6 steals, at 1.5 block shots.

Ang dalawa ay inaasahang gaganap ng malaking papel para sa kani-kanilang koponan sa best-of-seven finals na nagsimula noong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo.

Kinumpleto nina EJ Anosike ng San Miguel (44.6sps) at Rain or Shine’s Aaron Fuller (41.8sps) ang official list ng mga kandidato para sa Best Import award.

Ang awarding ng BPC at Best Import honors ay idaraos saGame 4 ng title series sa Nov. 6 sa Araneta Coliseum.
CLYDE MARIANO