FAJARDO, THOMPSON NANGUNGUNA SA MVP RACE

BUMABANDERA sina June Mar Fajardo at Scottie Thompson sa karera para sa highly-coveted PBA Season 47 Most Valuable Player award.

Base sa statistics sa pagtatapos ng Commissioner’s Cup, napanatili ng 33-year-old na si Fajardo ang top spot na may kabuuang 28.9 statistical points (SPs).

Si Fajardo ay nangunguna sa karera magmula pa sa season-opening Philippine Cup, na napagwagian ng San Miguel kontra TNT sa best-of-seven finals na umabot sa Game 7. Ang 6-foot-10 Cebuano ay itinanghal na Finals MVP at Best Player of the Conference.

Nakabuntot sa six-time MVP si 29-year-old Thompson, na umakyat sa no. 2 kasunod ng title conquest ng Barangay Ginebra sa mid-season conference kung saan dinispatsa ng Gin Kings ang guest team Bay Area Dragons sa seven-game championship series. Ang tubong Davao City ay nagwagi rin ng BPC award.

Dating nasa no. 3, ang high-leaping guard mula sa University of Perpetual Help ay nakaungos kay San Miguel’s CJ Perez sa second spot nang makalikom ng 24.9 SPs.

Nahulog si Perez, nakopo ang kanyang unang championship noong nakaraang taon sa Beermen, sa third place, subalit nanatili sa kontensiyon na may kabuuang SPs na 24.6.

Nasa no. 4 si Robert Bolick ng NorthPort na may 23.2 SPs, kasunod ang isa pang Barangay Ginebra player — sophomore Jamie Malonzo — sa no. 5 na may 21.9 SPs makaraang makopo ang kanyang unang korona sa Kings.

Si Commissioner’s Cup Finals MVP Christian Standhardinger ng Ginebra ay nasa no. 6 na may 21.1 SPs, kabuntot si sophomore guard Mikey Williams ng TNT na may 20.6 SPs.

Si Japeth Aguilar ang ika-4 na Ginebra player na nakapasok sa Top 10 nang pumangwalo na may 20.4 SPs, kasunod sina Don Trollano ng NLEX at Roger Pogoy ng TNT na may 20.30 SPs at 20.28 SPs, ayon sa pagkakasunod.

CLYDE MARIANO