KABILANG sina PBA Most Valuable Player winners June Mar Fajardo ng San Miguel Beer at Scottie Thompson ng Barangay Ginebra San Miguel sa mga kinokonsiderang pangunahan ang mga talented players para sa darating na fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers, kung saan makakaharap ng mga Pinoy ang Jordan at Saudi Arabia.
Si Fajardo ay isang six-time MVP, na kinatawan ang Gilas Pilipinas sa 2013 FIBA Asia Championship nang magkuwalipika ang Pilipinas sa World Cup sa unang pagkakataon sa loob ng 40 taon, ngunit ang 6-foot-10 center ay dalawang beses naglaro sa pinakamalaking basketball event, ang pinakahuli ay sa 2019 edition sa China.
Samantala, si Thompson, ang reigning PBA MVP, ay miyembro ng gold medal winner Gilas team na ginabayan ni Tim Cone sa 2019 SEA Games sa Manila, at nagbalik ang Gin Kings star sa programa nang maglaro siya sa huling window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Plano ring isama sa darating na window ngayong Nobyembre si two-time PBA scoring champion at World Cup veteran CJ Perez.
Kapapanalo lamang ni Perez ng kanyang kauna-unahang PBA championship sa Beermen at ang kanyang scoring prowess ay kakailanganin ng Philippine squad kapag naglaro ang koponan sa harap ng kanilang mga kababayan.
Ang 6-foot-2 former Lyceum stalwart ay miyembro rin ng 2019 national 3 x 3 team na nagwagi rin ng gold medal sa biennial meet cage games.
Kinokonsidera rin ang teammates ni Thompson sa Ginebra — 6-foot-9 athletic forward Japeth Aguilar at dead shot Arvin Tolentino – gayundin sina TNT stars Roger Pogoy at Poy Erram.
Ang naturang PBA players ay kinokonsiderang isama sa Gilas Pilipinas makaraang magkaroon ng kasunduan si coach Chot Reyes sa pamunuan ng San Miguel Beer, Ginebra at TNT sa availability ng mga ito para sa nalalapit na FIBA window.
Sasamahan sila ng available players mula sa Japan B. League at ng ilang players mula sa UAAP at sa national training pool.
Iaanunsiyo ng SBP ang iba pang mga miyembro ng pool sa sandaling makumpirma ang kanilang availability.