NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga mapanlinlang na tao na ginagamit ang kanyang pangalan sa isang pekeng social media account upang mangalap ng pondo para diumano suportahan ang kanyang community pantry.
Humiling na ng tulong ang kalihim sa National Bureau of Investigation (NBI) para kilalanin at arestuhin ang mga taong sangkot sa pekeng Facebook account upang makalikom ng pondo para diumano sa kalihim upang gamitin sa eleksiyon sa susunod na taon.
“Nakalulungkot na may mga taong gumagamit ng mga mapanlokong pamamaraan upang sirain ang aking pangalan para sa pansariling kapakanan. At dobleng lungkot ang nararamdaman ko dahil kinakailangan pa nilang magsinungaling at manloko upang makapambiktima ngayong panahon pa naman ng krisis,” pahayag ni Bello.
Ang pekeng FB account ay may pangalang “Silvestre H. Bello III”. May kalakip itong larawan ng kalihim at ilang opisyal, pati na rin ang ilang personal na detalye nito. Kasama rin sa nasabing pekeng account ang isang background photo ng tarpaulin ng TUPAD, isang pangunahing programa ng DOLE, kuha sa ginanap na pamimigay ng tulong sa Tarlac kasama si Governor Susan Yap.
Gamit din ng pekeng account ang opisyal na logo ng Labor department, kung saan napaniwala nito ang ilang opisyal ng pamahalaan at mga kaibigan ni Bello, at sa kasalukuyan ay nakapagtala na ng 1,211 FB friends.
Ang mapanlilang na gawain kung saan gumamit ng pekeng FB account ay nakarating sa kaalaman ng kalihim nitong lingo nang i-post sa publiko ng nagpangggap na si ‘Silvestre” ang kahilingang: “Puwede ba kayo mag donate sa community pantry ko.’
Kasama ang mga sumunod na post:
“Send ko bank details”.
“Hinati-hati ko kasi sa ibang grupo”
Sa kasunod na post, sinabi pa ni ‘Silvestre’: “Tatakbo kasi akong senador.”
Pagkatapos ay nag-post din ito ng iba pang detalye tulad ng bank account na pagmamay-ari ng ibang tao sa isang universal bank, at mobile number na hindi rin sa labor chief.
Sa kasalukuyan ay may ginagamit na official FB account ang Labor Chief na sinimulan niya noon pang 2010. PAUL ROLDAN
744081 141986Vi ringrazio, ho trovato che quanto scritto non sia completamente corretto 895861