FAKE FB NI MAYOR HONEY IBINABALA

NAGBABALA si Manila Mayor Honey Lacuna sa publiko laban sa kumakalat na fake Facebook account gamit ang kanyang pangalan.

Nagpasaklolo rin ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila sa media para ipaalam sa publiko ang pekeng FB account.

Sa kanyang text message sa members ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi ng lady mayor na: “Para po sa kaalaman ng lahat, mayroon pong kumakalat na poser Facebook account na ginagamit ang aking pangalan at kinokopya ang aking mga posts para magmukhang ito ang aking page.”

Idinagdag pa nito na: “Kami po ay humihingi ng tulong na ma-ireport ang fake account na ito: www.facebook.com/jenny.basilonia.940.

Nais ko pong ipaalam sa inyo na ang aking official Facebook page ay ang http://www.facebook.com/DoktoraHoneyLacuna.

Hindi ito ang kauna-unahan na pineke ang Facebook account ng alkalde.

Nitong Agosto ng nakaraang taon, nangyari din ang nasabing pamemeke ng FB account ng alkalde kung saan mismong ang spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante ay nag-issue pa ng statement na nagsasabi ng ganito: “We ask the public to help report this unauthorized social media account impersonating the City Mayor.”

Sinabi ni Lacuna na ang kanyang lehitimong Facebook page ay nilikha upang magbigay sa publiko lalo na sa mga residente ng Maynila na kanyang pinagsisilbihan ng tama at napapanahong impormasyon kaugnay ng mga nangyayari sa kanyang administrasyon.

Nalulungkot Ang alkalde dahil ang ginawang pamemeke ng kanyang FB account ay upang lituhin at guluhin ang publiko.

Maliban sa official Facebook account ni ‘Dra. Honey Lacuna,’ isa pang lehitimong mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa Maynila ay ang ‘Manila Public Information Office o (MPIO) Facebook account, ayon kay Abante.

Mayroong ding regular ‘The Capital Report’ si Lacuna kung saan regular niyang tinatalakay ang major activities at programa na ginagawa ng kanyang administrasyon.
VERLIN RUIZ